Friday , November 15 2024

Mga hayok mapuwesto nagdagsaan sa Davao

LALO pang sumigla ang ekonomiya ng Davao City mula nang manalo si Mayor Rodrigo “Rody” Duterte bilang bagong pangulo ng bansa.

Pabor ito sa local tourism ng lungsod, lalo sa mga negosyante at mga manggagawa.

Pero tila nakakalimutan na nang nagdagsaang mga turista sa Davao City kung ano ang pangunahing katangian ng siyudad na naging behikulo ni Pres. Rody patungong Palasyo.

Nakatutok kasi  ang atensiyon ng mga turista kung paano makakapuwesto sa administrasyong Duterte.

Balewala sa kanila kung ang dinayo nilang lungsod ay idineklarang fourth safest city in the world ng user-contributed survey site na Numbeo.com.

Wala rin pakialam ang mga naglalaway sa posisyon kung ang peace and order ng siyudad ang nais maranasan ng mga bumoto kay Pres. Rody.

Marami sa mga oportunistang turista ang naroon sa Davao City at hindi pa umaalis sa siyudad dahil hindi pa nakakaharap si Pres. Rody.

Kabilang sa mga naroon pa sa Davao City hanggang ngayon si dating Ilocos Sur. Gov. Chavit Singson na namataang kasama ang isang nakakahawig ng kilalang smuggler na namunini noong administrasyon ni ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada.

Naispatan din si dating PLM president Amado Valdez na sagadsaring maka-Binay noong nakaraang eleksiyon na tila gustong makasungkit ng puwesto sa gobyernong Duterte.

Hindi natin alam kung anong credentials ang bitibit ng dating gobernador sa Laguna na si ER Ejercito at nangangarap raw yatang maipuwesto bilang Tourism secretary.

Ilang linggo nang nagbababad sa siyudad sina Singson at ER Ejercito dahil hindi pa sila hinaharap ng papasok na pangulo.

Ang socialite na si Cory Quirino ay naroon din daw at isa sa mga naglalaway na maitalagang Tourism secretary.

Si Anabelle Rama na sumuporta kay Sen. Grace Poe ay nakababad din sa Davao City at usap-usapang inaasinta ang puwesto sa MTRCB.

Baka nananaginip nang gising ang mga damuho at akala nila’y si Erap pa rin ang pangulo.

Nakita rin si ‘Intsik-Bejo’ ng Napoles Press Club nina Binay, Kim Wong, Gen. Alan Purisima at Siegfred Mison na palakad-lakad sa Marco Polo Hotel at nag-aabang na lumabas ang hinihirit na puwesto sa alinmang tanggapan ng Bureau of Customs o PAGCOR.

Kung “change is coming” ang slogan ng Duterte administration ay hindi sila bagay mapuwesto pare-pareho.

Eeew!!!

Guilty lang ang apektado

AYAW munang magpa-interview ni Pres. Rody sa media dahil umaani lang siya ng batikos.

Kung tutuusin, siya at ang lehitimong nasa media ay wala naman talagang dapat pagtalunan hinggil sa journalist killings.

Ang pahayag ni Pres. Rody sa isyu ay pagpapaliwanag lang sa naging dahilan ng ilang kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag.

Korupsiyon ang isa sa matagal nang umiiral sa media industry at direktang tinukoy ito ni Pres. Rody bilang isa sa mga sanhi ng media killings.

Dapat nga ay magising ang lahat para linisin ang hanay ng mga mamamahayag na binababoy ng mga walanghiyang nagsipasok sa media.

Sa halip na magalit ay ituring pang tuntungan ito ng media groups para hilingin kay Pres. Rody sa mga publisher at may-ari ng radio at TV station na sumunod sa labor laws, magpasuweldo nang maayos, ibigay ang mga tamang benepisyo sa kanilang mga kawani.

Isa ito sa mga pangunahing paraan upang maiwasan ang katiwalian sa media.

Bakit walang kumikibo sa kalunos-lunos na kalagayan ng mga taga-media sa kamay ng mga kapitalistang ginagawang proteksiyon sa iba pa nilang negosyo ang pagiging publisher, radio at TV station owners?

Ang maliit na suweldo ng mga kawani ng gobyerno, lalo na ng mga pulis, ay kinikilala ni Pres. Rody bilang sanhi ng corruption sa gobyerno kaya nga nais niyang itaas ang sahod nila.

Kaya imposibleng hindi siya tatalima kapag may nanawagan sa kanya na mahigpit na ipatupad ng kanyang administrasyong ang mga batas sa paggawa, lalo sa media industry.

Kung ito ang gagawin ng media groups, palagay natin ay siyento porsiyentong susuportahan ito ni Pres. Rody at ng publiko.

Sa Lawton bagay manumpa si Erap

HINDI marahil pinapansin ni Pres. Rody at inihagis lang sa basurahan ang congratulatory letter na ipinadala sa kanya ni Erap kaya ipinalathala niya ito sa diyaryo.

Gusto pa raw ni Erap na manumpa kay Pres. Rody bilang “nanalong alkalde” ng Maynila.

Nais ni Erap na isubo sa kahihiyan si Pres. Rody sa takot na mapatalsik sa puwesto dahil sa pandaraya sa nakaraang halalan.

Ang masaklap, sa kanyang ipinadalang sulat ay ipinapareho pa ni Erap sa kanya si Pres. Rody, kesyo kapwa raw sila naging mayor at naging pangulo.

Paano sila magkakapareho gayong si Pres. Rody ay hindi naman nabahiran ng katiwalian ang matagal na panunungkulan sa pamahalaan, habang si Erap ay pinatalsik sa Palasyo at convicted sa kasong pandarambong?

Naipahayag kasi ng President-elect na paaaksiyonan niya ang mga kasong may kinalaman sa election fraud kaya kabado ang ex-convict.

Kung panunumpa lang naman ang kursunada ni Erap, puwede naman niyang gayahin si PNoy at mag-oathtaking sa barangay official na kilalang protektor ng illegal terminal sa Lawton.

Doon nila mismo gawin ang panunumpa sa mismong illegal terminal sa Plaza Lawton sa harap ng mga driver na kolorum para maging makasaysayan ang seremonya.

Ang sentensiyadong mandarambong at pekeng mayor ay bagay manumpa sa burikak na reyna ng illegal terminal, hindi sa Pangulong Mahal ng Bayan.

Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]

About Percy Lapid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *