HUWAG namang magagalit ang fans ni Daniel Padilla. Itong sa amin ay paalala lang naman sana. May napanood kaming kapirasong video sa social media na kuha sa isang performance ni Daniel sa Isabela yata. Ang kuwento na kasama niyon ay may nambastos daw kay Daniel at hindi niya nagustuhan iyon. Maingay ang mga tao eh, hindi namin narinig sa audio ng video kung may sumigaw nga ng pambabastos sa kanya.
Pero maniniwala kami roon, dahil sa mga ganyang performance naman, hindi talaga nawawala iyong may nambabastos kung minsan, at sa mga ganoong pagkakataon, ang dapat na gawin ng isang performer ay huwag pansinin iyon at ituloy lamang ang kanyang performance. Hindi naman kasi siya pinanonood ng mga tao para magalit sa mga bastos eh, kundi dahil sa performance niya.
Iyon ang gusto naming punahin. Hindi mabuo-buo ang kanta ni Daniel. Halata mong kung mag-aalanganin siya ay tumitigil siya sa kanyang pagkanta. Mabuti na nga naman iyon kaysa pumiyok siya. Napansin din namin, hindi siya tumatama sa tono.
Maaaring ikatuwiran na live kasi ang kanyang kanta at naaapektuhan siya ng reaction sa kanya ng crowd kaya ganoon. Pero ano mang pang-unawa, kundi man matatawag na palusot ang gawin natin, maliwanag na wala siya sa tono. Kung sa bagay, sasabihin ng iba, hindi naman iyong kanta niya ang gusto ng fans, kundi iyong makita lamang siya.
Kaya lang, dapat niyang isipin na may ginawa siyang CD. Kung sa CD ay maayos naman kahit na paano ang kanyang kanta at sa live performance ay ganoon ang makikita sa kanya ng publiko, sinasabi ba niyang ok lang dahil ang kanyang CD ay computer enhanced?
Baka sabihin ng iba para iyong PCOS machine. Nalalagyan ng “magic” para mag-iba ang resulta.
HATAWAN – Ed de Leon