Friday , November 22 2024

Mga guro sa Maynila kabadong makasuhan

ANG pagiging guro ay isa sa pinaka-iginagalang na propesyon sa buong mundo.

Pangunahing katuwang ng mga magulang ang guro sa paghubog sa karakter ng kanilang anak kaya inaasahan na mataas ang pamantayan ng moralidad ng isang titser.

Pero nakadedesmaya na hindi na ito ang umiiral sa ilang mga guro sa Maynila lalo na’t sasabit sila sa reklamong diskuwalipikasyon laban kay ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada bunsod ng vote buying.

Tinanggap kasi ng libo-libong guro sa Maynila ang ipinamudmod ni Erap na computer tablet, ilang linggo bago idinaos ang May 9 elections.

Balita nati’y inihahanda na ng ilang personalidad ang mga kasong kriminal at administratibo na puwedeng isampa sa kanila gaya nang paglabag sa Articles 210-212 ng Revised Penal Code, Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), Republic Act No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees),  at Presidential Decree 46 (Making it Punishable for Public Officials and Employees to Receive, and for Private Persons to Give, Gifts on Any Occasion, including Christmas) sa Tanggapan ng Ombudsman.

Ano’ng mabuting halimbawa ang matututuhan ng mga kabataan kung mismong mga guro na ang gumagawa ng paglabag at pasimuno ng pandaraya?

Tsk, tsk, tsk, hindi natin maintindihan kung bakit sa mahigit 7,000 titser na tumanggap ng computer tablet ni Erap, ni isa man sa kanila’y walang pumalag sa tahasang paglabag sa batas ng DepEd officials na nag-utos sa kanilang gawin ito.

Wala ba ni isa man sa ‘militanteng guro’ ang nagkaroon ng lakas ng loob na tumanggi sa lantarang panunuhol sa kanila ng isang sentensiyadong mandarambong?

Umuugong sa mga public school sa Maynila na nababahala na ang mga guro at principal dahil baka mapasama sila sa complaint na posibleng isampa sa Ombudsman.

Sabi pa raw ng ilan, pahiram lang naman daw, pero kailan ba ito isosoli? At wala naman nakasaad na ito ay pahiram maging sa turn over ceremony, hindi naman sinabi ito.

Pahiram man o bigay ay naganap ito sa panahon ng eleksiyon kaya pareho lang na malaswa at labag sa batas.

Bukod dito may teachers na rin ang nagsabi na sila ay tumanggap ng additional 1,000 pesos mula kay Erap at hindi ito galing sa Comelec funds kundi mismong pondo ni Erap.

Mahigpit na ipinagbabawal ito ng Comelec at Civil Service Commission.

Aba’y mga ma’am at sir, di-hamak na mas disente ang pagkatao ninyo kay Erap kaya nakalulungkot na tila ‘nabili’ niya kayo sa halaga ng isang computer tablet at P1,000.

Paano pa maniniwala ang publiko sa integridad ng inyong propesyon kung nababahiran kayo ng korupsiyon?

Kaya dapat talagang maipasa ang panukalang batas na maging boluntaryo na lang para sa mga guro ang pagganap ng tungkulin bilang board of election inspectors (BEIs).

Batay sa panukalang batas ay puwede nang magtalaga ang Comelec ng BEIs mula sa “private school teachers; national government employees, excluding military personnel; members of Comelec-accredited citizens’ arms; and any qualified registered voter with no partisan political affiliations.”

Personal, tablado kay Pres. Duterte

“LET me be very clear, my friendship with my friends ends when the interest of the country begins. I would as much as possible make you happy if you are my friend, but I will not allow anybody to color my decisions in government. From now on it is always the interest of the Republic of the Philippines period.”

Iyan ang pahayag ni incoming president Rodrigo Duterte matapos ang sunod-sunod na panunumbat ng kampo ni Pastor Apolonio Quiboloy na ‘nagtatampo’ siya sa pag-etsapuwera sa kanya sa pagpili ng mga itatalaga sa papasok na administrayon.

Sabi nga ni Pang. Manuel L. Quezon, “My loyalty to party ends when my loyalty to country begins.”

Tama si Pres. Rody na huwag pauuto sa kanyang mga kaibigan lalo na’t kung ang nakataya ay kapakanan ng bansa at mamamayan na hindi dapat ikompromiso.

Ipinakikita lang ni Pres. Rody na hindi siya gaya ni Erap na press release at hanggang slogan lang ang gimik na “walang kaibigan, walang kamag-anak” nang maluklok sa Palasyo pero napatalsik sa poder dahil sa pag-abuso sa kapangyarihan ng mga kadugo at cronies.

Ang dapat itatak sa isip ni Quiboloy at iba pang kaibigan ni Pres. Rody ay mas matimbang ang utang na loob niya sa sambayanang Filipino na nagluklok sa kanya sa puwesto kaysa pagbigyan kung ano man ang hirit nila.

Mas nakatatakot kapag si Juan dela Cruz ang nag-alboroto kaysa tampororot ni Quiboloy.

Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]

About Percy Lapid

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *