Thursday , December 26 2024

Sabit sa pekeng-NGO na KACI, bakit pinalusot ng Ombudsman

00 Abot Sipat ArielMARAMING  nagtataka sa Office of the Ombudsman kung bakit tila “sinadyang” ilibre si Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan sa maanomalyang paggamit niya ng kontrobersiyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel noong kongresista pa lamang siya sa mga taon ng 2007 hanggang 2009.

Dapat kasing matagal nang nasampahan ng mga kasong graft at malversation si Mayor Oca ngayon dahil  nakipagsabwatan siya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa kaduda-dudang non-government organization na Kalookan Assistance Council, Inc. (KACI) sa maling paggamit ng kanyang PDAF.

Sabi nga ng taga-Caloocan na si Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (4K) secretary general Rodel Pineda, nakapagtatakang nakalista sina Malapitan at dating Caloocan Rep. Luis Asistio sa mga hinihinalang sumablay sa paggamit ng kanilang PDAF pero tanging si dating Rep. Mary Mitzi Cajayon ang kinasuhan sa paggamit ng pork barrel na nagkakahalaga lamang ng P10 milyon.

Bukod kay Cajayon, kinasuhan din sina dating DSWD Secretary Esperanza Cabral, Undersecretary Mateo Montaño, Assistant Secretary Vilma Cabrera, at Director III Pacita Sarino, Caloocan Chief Accountant Leonila Hayahay, at KACI president Cenon Mayor.

“Marami nang nakulong sa mga mambabatas na mali ang paggamit sa PDAF na idineklara pang labag sa Konstitusyon ng Supreme Court pero bakit nakalulusot sina Malapitan at Asistio gayong tig-P25 milyon ang halaga na kanilang inilaan sa KACI na isang pekeng NGO?” tanong ni Pineda. “Maraming nakalistang benipisyaryo ng PDAF ang tumangging nabigyan ng tulong kaya malinaw na naibulsa nina Malapitan at Asistio ang pondong inilaan sa KACI.”

Nabatid na sa Special Audits Report No. 2012-03 Annex C ng Commission on Audit (COA), pinabulaanan ng 457 barangay chairmen sa Caloocan na mayroong proyekto sa kanila ang KACI, 179 nakalistang beneficiaries ang nagsabi na wala silang natanggap na ano mang biyaya, at 279 benepisyaryo na nakalistang tumanggap ng P1.159 milyon ang hindi makita sa kanilang inilistang address.

Sa nasabi ring ulat, 2,045 lamang sa 7,231 benepisyaryo ang rehistratong botante sa dalawang distrito ng Caloocan kaya malinaw na pineke ng KACI ang ibang nakalistang beneficiaries ng PDAF.

Sa kaso ni Cajayon, natuklasan na ang pinaglaanan ng proyekto na KACI ay walang akreditasyon bilang people’s organization at karamihan sa mga ginamit nitong supplier ay walang business permits sa Caloocan at ganito rin ang ginawa nina Asistio at Malapitan.

Pero isang dating kongresista sa Camanava (Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela) area ang nagsabing kaya halos himurin ni Malapitan ang ‘lubot’ ni Caloocan Rep. Edgar Erice na opisyal ng Liberal Party (LP) para makalusot sa mga kaso sa Ombudsman.

Sabi nga ng ex-congressman: “Malapitan has Napoles and that one in KACI which will total more than P50 million. That’s the reason why he’s kissing Erice’s ass to avoid him from what Egay could do to him.”

Idinagdag ng dating kongresista na naglaan din si LP presidential bet Mar Roxas ng P5 milyon sa KACI noong kongresista rin siya kaya marahil natatakot si Ombudsman Conchita Carpio-Morales na sampahan ng kaso ang mga dapat managot sa paglustay ng PDAF fund.

May tsismis na ipinangako nina Erice at Malapitan na topnotcher si Roxas sa Caloocan pero nangako naman ang iba’t ibang grupo ng masa na ikakampanya nila sa lungsod si Vice President Jejomar Binay para “ipahiya” ang tiwaling sabwatan. Handa raw gumastos ang “partners in crime” ng bilyon-bilyong piso maipanalo lamang si Roxas. Ambot ay!

About Ariel Dim Borlongan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *