SI Alden dala-dala ang naiwang sapatos ni Maine at ang box of flowers from Petalier
TULAD ng inaasahan napuno ng mga tagahanga ng AlDub at EB Dabarkads ang 55,000 seater na Philippine Arena. Wala pa sa bilang na ito ang mga idinagdag na upuan sa floor.
As early as 6:00 a.m. ay may mga tagahanga nang nagtungo sa arena. Naglaan ang Eat Bulaga! ng libreng sakay para sa fans na madaling makapagdadala sa kanila sa Philippine Arena.
Ang dinig namin, may mga nag-overnayt pa para ma-sure na hindi sila mahihirapan o mata-trapik sa pagpunta sa naturang venue.
And as early as 8:00 a.m nakakuha na ng 10 million tweets ang #ALDubEBTamangPanahon.
Eksaktong 10:00 a.m. naman ay inumpisahan na ang pre show na ikinasiya ng fans. Eksaktong 11:30 a.m. ay inumpisahan na ang pag-ere ng Eat Bulaga na sinimulan ng bonggang production number nina Lola Nidora, Lola Tinidora, at Lola Tidora kasama ang mga Rogelios, Quandos, at Bernardos.
Nakabibingi ang hiyawan at buhay na buhay ang #AlDubNation fans at as early as 10:52 a.m. mayroon ng 13 million tweets ang #ALDubEBTamangPanahon.
Inihayag nina Sen. Tito at Vic Sotto at Joey de Leon na nakalikom sila ng P14-M mula sa ticket sales kaya bukod sa pagpapagawa ng AlDubLibraries magbibigay din sila ng share sa mga nasalanta ng bagyong Lando.
Sinabi pa ni Joey na 100 times bigger ng Broadway ang mga nanood ng EB sa Philippine Arena.
Isang regalo naman ang ipinakita ni Lola Nidora (Wally Bayola) para sa mga Team Bahay at Team Arena, ito ay ang non stop kilig at no commercial interruption.
Samantala, sa pagkikita nina Maine Mendoza aka Yaya Dub at Alden Richards sa stage na nagsayaw sila at kinantahan ang isa’ isa, muling dumagundong ang arena. Hiningan sila ng kani-kanilang mensahe. Ani Alden, “Maine, dumating na ‘yung chance para sabihin ko ito, God gave me you.”
“Alden, thank you alam mo ipinagdasal… God gave me you,” sambit naman ni Maine at saka muling inakap ni Alden si Maine.
At bago muling sumayaw, isinuot ni Alden ang naiwang sapatos ni Maine. Muling naiyak si Alden at kung ilang beses nitong inakap si Maine. Naiyak din si Maine sa tagpong iyon.
Sa pagkikita nina Alden at Maine marami ang nakiiyak at kinilig na audience.
At bago natapos ang EB, nakapagtala sila ng 22.9 million tweets.
Sa bumubuo ng Eat Bulaga, ang aming pagbati. Isang phenomenon ang nangyaring ito Sa Tamang Panahon.
ni MARICRIS VALDEZ-NICASIO