Sheryl nawalan ng manager (Sa pagtutol sa pagtakbo ni Grace)
Maricris Valdez Nicasio
September 23, 2015
News
MULA nang magpahayag na tutol sa pagtakbong presidente ng pinsang si Senator Grace Poe, nakaranas umano ng harassment ang manager ng aktres na si Sheryl Cruz kaya nagbitiw sa kanyang poder.
Tahasang sinabi ito ng dating That’s Entertainment host at anak ng 70s actors na sina Rosemarie Sonora at yumaong si Ricky Belmonte sa grand press conference ng pelikulang Felix Manalo sa Manila Hotel kagabi.
“Sana hindi pa sa taong ito na tumakbo siya,” paglilinaw ni Sheryl Cruz sa tinuran niya sa ilang interview na lumabas kamakailan, nang tanungin kung sinusuportahan ba niya ang kandidatura ng kanyang pinsang si Poe.
Ang pahayag na ito ay naging malaking usapin sa apat na sulok ng showbiz gayondin sa politika.
“Gusto ko sana na maglaan pa siya ng ilang taon… hindi ako nagmamarunong dito, isa rin akong taxpayer, isang ina. Isa rin akong boss na may mga umaasang empleado. Dapat isipin ko rin nang ilang beses kung sino ang iboboto ko,” paliwanag ni Sheryl.
Sa tanong kung bakit nga ba ginagawa ito ni Sheryl?
“Mahal ko ang pinsan ko. ‘Wag n’yo kuwestiyonin ang pagmamahal ko sa kanya.”
Mariin din ang sagot ni Sheryl nang tanungin sa isyung magkapatid umano sila ni Poe.
Aniya, “No! We have different mothers, we have different parents. Respeto na lang sa aking ina na wala naman siya rito sa Pilipinas. Nananahimik siya, please huwag n’yo nang i-drag ang nanay ko rito.”
Sinabi ni Sheryl na nag-resign na ang kanyang manager na si Rams David dahil nakatatanggap umano ng harassment.
“Nakaka-receive siya ng harassment from Dolor Guevarra and June Rufino. I cannot understand why. Dahil diyan wala nang representative sa aking trabaho.
“I cannot blame (Rams David) him for resigning as my manager. Gusto kong magpasalamat sa kanya at sa kapatid niya sa pag-aalaga nila sa akin. They haven’t done anything wrong. They took care of me. Naiintindihan ko kung bakit kailangan niyang gawin iyon, may iba pa rin siyang alaga at business ito.”
Iginiit ni Sheryl na, “I supported my cousin (Sen. Grace) during her senatorial candidacy. Halos ako ang pumunta sa buong Filipinas para i-represent siya. Kung hindi ako naniniwala sa kakayahan niya bakit ko gagawin iyon?
“Sana respetohin naman nila ang sarili kong opinion, buhay ito ng mga tao, siyempre uunahin ko muna ‘yung para sa ibang tao,” sambit ng aktres na alam daw niyang maiintindihan siya ng kanyang tiyahing si Ms. Susan Roces sa paghahayag ng kanyang opinyon at nararamdaman.
Ani Sheryl, hindi siya tatakbo sa ano mang posisyon tulad ng mga balitang lumalabas ukol sa pagpapahayag niya ng opinion.
Idinagdag ni Sheryl na walang nag-uudyok sa kanya para gawin ito.
“Mataas ang talent fee. Masakit lang sa akin na ang dati kog manager na si Tita Dolor at June Rufino, ‘di ko alam na kaya nilang gawin iyon. It scared me na kaya pala nilang gawin iyon. Kung kaya nilang i-threatened ang livelihood ko, what more kung ang pinsan ko na ang nakaupo bilang presidente. ‘Yun lang ang sa akin. I just said my opinion, my personal views.”
Si June Rufino ay kasalukuyang Senior Vice President, Executive Assistant to the CEO for Broadcast & Films ng Viva Communications Inc., at tumatayong manager ng aktor na si Edu Manzano habang si Dolor Guevarra naman ay tumatayong manager ni Carmina Villaroel.
Ang dalawa umano ay malapit na kaibigan ng ina ni Sen. Grace na si Susan Roces, kapatid ni Sonora at tiyahin ni Cruz.
Sinabi ni Cruz na hindi siya magpapakuha ng DNA test.
Isinusulat ang balitang ito’y hinihintay pa ang pahayag nina Rufino, Guevarra at David.