Nasabi namin sa kanya na excited na kaming mapanood ang 2nd week ng Ang Probinsyano (nagkaroon kasi kami ng pagkakataong mapanood ang 1st week nito sa isang screening na ginawa sa Trinoma) dahil nabitin kami sa ganda nito.
Sa first week kasi’y marami nang highlight ang ipinakita at isa na roon ay ang mga buwis-buhay na stunt ni Coco Martin.
“Dahil sa very intense at talagang actor si Coco, hindi siya nagpa-double. Siya ang gumawa niyon lahat. (Ang tinutukoy ni direk ay ang makapigil-hiningang tagpo sa ibabaw ng tren na nakikipagsuntukan si Coco at ang dyip na any moment ay malalaglag na sa bangin na kinailangang iligtas ni Coco ang isang lola na pasahero). Kumbaga eh dahil intense nga, gusto ni Coco dire-direts at siya na ang gumawa kahit buwis-buhay nga ang eksena” kuwento sa amin ni Direk Malu.
Si Coco kasi ang actor na kapag sinabi mong take na, dire-diretso na ang pag-i-internalize. Kaya ‘pag cut na ng director, hindi siya agad nakakawala sa role na ginagampanan kaya naman kumbaga ay go lang ng go. Ganoon talaga ang tunay na actor.
Anyway, sa Lunes (September 28) na mapapanood ang Ang Probinsyano na handog ng ABS-CBN at Dreamscape Entertainment Television sa primetime sa pagbibigay-pugay ng Hari ng Teleserye sa obra ng nag-iisang Da King na si Fernando Poe Jr..
Ang Ang Probinsyano ay tungkol sa magkapatid na Ador at Cardo na gagampanan ni Coco na nagkahiwalay dahil sa kawalan ng pera pero parehong naging pulis. Si Ador ay naging kilalang alagad ng batas pagkatapos manguna sa kanyang klase sa akademya at mayroong pamilya na todo-supora sa kanya. Samantala si cArdo ay namumuhay sa kabundukan bilang isang Special Action Forces (SAF) operative.
Mababago ang buhay ng magkapatid nang mapatay ng sindikato si Ador. Walang ibang magagawa si Cardo kundi saluhin ang naiwang buhay ng kanyang kambal, kasama na ang lola niyang hindi naging kasundo.
Kasama rin sa Ang Probinsyano sina Susan Roces, Maja Salvador, Arjo Atayde, Albert Martinez, Agot Isidro, Bela Padilla, Joey Marquez, at Jaime Fabregas. Ipinakikilala rin dito si Simon Pineda. Kasama rin sina Dennis Padilla, Ana Roces, Zaijian Jaranilla, Malou Crisologo, Marvin Yap, Pepe Herrrera, Lester Llansang, John Medina, Michael Jornales, Gio Alvarez, at Tess Antonio. Ito ay idinidirehe nina Malu Sevilla at Avel Sunpongco.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio