NATANGGAP ng pasyenteng si Le Hall ang ‘gift of life’ na tumitibok pa nang dumating para sa kanya.
Ang 26-anyos na residente ng Cornwall, U.K. ay na-diagnose na may sakit sa puso sa gulang na 14. Sa gulang na 20, kinabitan siya ng mechanical pump upang mapanatili ang pagdaloy ng dugo sa kanyang katawan.
Ngunit nakatanggap ng masamang balita si Hall nitong Mayo. Sinabi ng mga doktor na na-infect ang heart pump, kaya kailangan niya ng bagong puso sa loob ng dalawang araw kung hindi siya ay mamamatay, ayon sa South West News Service.
Ngunit masuwerte si Hall dahil may dumating na heart donor. Ang puso mula sa namatay na pasyente ay binuhay para kay Hall, gamit ang method na tinatawag na “heart in a box” na napapanatili ang organ sa pagtibok bagama’t wala na sa katawan ng donor.
Una, naglagay ang mga doktor ng daluyan ng warm blood patungo sa donated heart. Ang dugo ay pinainit upang kaunti lamang ang maging pinsala sa tissue at nilagyan ng oxygen gamit ang gas exchanger hanggang sa sandaling mailipat ito sa katawan ni Hall. Sa nasabing method, mapananatiling buhay ang puso nang hanggang walong oras.
Isinailalim sa ‘procedure’ si Hall nitong summer. Ngayon siya ay nakabalik na sa kanilang bahay at kasama na ang misis niyang si Danyelle, at ang kanilang isang taon gulang na anak na lalaki, si Hayden.
“The fact that they could keep that heart alive in the box was the difference between life and death for me,” pahayag ni Hall sa South West News Service. ”I just woke up feeling so much better than I ever had. It has made a huge difference.”
Ang “heart in a box” technology ay idinesenyo ng Transmedics, ang medical technology company na nakabase sa Andover, Massachusetts.
Ang kompanya ay gumagawa rin ng katulad ng produkto para sa liver and lung transplant. Pinaniniwalaang sa “heart in a box” ay mapatataas ang tagumpay sa transplants ng 33 porsiyento.
(THE HUFFINGTON POS)