IPINAHAYAG ng komedyanteng si Atak Araña ang kanyang pagkabilib sa mga kasamahan sa drama series na Flordeliza ng ABS CBN. Mixed emotions ang nararamdaman ni Atak dahil magtatapos na ngayong Biyer-nes ang drama series nila na tinatampukan nina Jolina Magdangal, Marvin Agustin at iba pa.
“Ang hindi ko malimutan sa Flordeliza ay ‘yung samahan namin at dito ako nahubog sa pag-iyak, sa pag-arte na hindi lang puwedeng sa patawa lang ako lagi. Ang dami nangyari sa akin diyan na nagkakasakit kami tapos nakaka-recover naman. Hindi ba ako na-high blood diyan? Pero naka-recover naman ako,” saad ni Atak.
Nagulat ka ba sa sarili mo na nakapag-drama ka rito? “Ang gagaling ng mga kasama ko rito, kapag napapanood ko sina Jolina, Carlo (Aquino), Debraliz, at si Tetchie Agbayani, titingin lang iyan sa langit, pagbalik niya ng tingin sa iyo, lumuluha na iyan. Si Desiree del Valle naman, kahit hindi pa mamula iyong mata niya, alam mo iyong spring ng tubig? Parang ganoon, tulo nang tulo iyong luha niya, ganoon sila katindi.
“Kasi dati, parang nagiging biruan namin na ang tagal ko raw umiyak. Joke lang nagsi-mula, tapos sinabi ko kay Direk Wenn (Deramas), ‘Tandaan mo ito Direk, aayusin ko ang acting ko,’ pabirong sabi ko sa kanya.
“Kaya nakasabay din ako sa kanila, dahil tinulungan din ako ni Tetchie. Tapos sabi ko, ‘Lord, ikaw na ang bahala sa akin.’ Tapos umiyak ako na pati sipon ko ay tumulo at palakpakan sila,” nakangiting esplika pa niya.
Si Direk Wenn din ba ang nag-motivate sa iyo sa pagdadrama? “Oo, sa pag-acting ko talaga dito, kasi before akala ko talaga, kung ano ang line ko, inaabangan ko lang ang dulo ng dialogue nila.
“Ngayon, binabasa ko na ang script para alam ko talaga ang kaganapan. Kasi may mga actor pala na ina-abangan niya ‘yung dialogue niya, doon ko natutunan kay direk iyon. Sabi ko kay Direk, ‘Tama ka Direk, kailangan mabasa ko nang buo ang script para malaman ko kung ano ang flow ng istorya.’ Para ma-express ko kung ano ang gagampanan ko, kung ano ang atake ko dapat sa role.”
Si Atak ay mapapanood din sa Wang Fam ni Direk Wenn pa rin, starring Pokwang, Benjie Paras, Wendell Ramos, Candy Pangilinan, Andre Paras, Yassi Pressman, at iba pa.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio