Ngayong lingo, ibubunyag ang buong mechanics ng botohan na ang apat na artists na makakakuha ng pinakamataas na porsiyento ng mga boto ang mananatili. Kaya naman may posibilidad na walang pambato sa grand finals ang isang coach, o kaya naman ay dalawang artists ang kakatawan sa kanyang team, tulad ng nangyari kay coach Sarah (Geronimo) noong season 1.
“I believe they will be up to the challenge of live shows. Magaling silang magkuwento at malalaki at malalakas ang kanilang puso,” ani coach Lea Salonga ukol sa kanyang top artists na sina Reynan, 11 at Esang, 8, ang pinakabatang artist sa Top 6.
Kung ating matatandaan, pilot episode pa lang ay nagpakita na ng galing si Reynan sa kanyang buong pusong pagkanta ng Tagumpay Nating Lahat at lalo pang tumatak sa coaches nang sabihin niyang gusto niyang ibandera ang kanyang tribong Manobo mula Bukidnon.
Mula naman sa pagiging isang Mini Me ni coach Lea sa It’s Showtime, nakakuha si Esang ng three-chair turns sa kanyang The Voice Kids blind audition at naging tuloy-tuloy na ang pag-advance sa kompetisyon.
Nakakita naman ng potential si coach Bamboo sa kanyang dalawang artists na sina Elha, 10 at Sassa, 12. Pangarap ng biriterang banana cue vendor na si Elha na makatulong sa pamilya. Ngayon, katulong niya si coach Bamboo na maabot ang kanyang buong potential para maabot ang kanyang mga pangarap.
Simula rin sa blind auditions, nakuha na ni Sassa, ang unique sound ng Pampanga, sa kanyang unique na pagkanta ng hit song na Chandelier. Tinawag din siya ni coach Bamboo na isang tunay na artist at ”a talent that I think I can hone” si Sassa.
Nangako naman si coach Sarah na gagawin niya ang lahat para ma-improve pa sina Kyle, 13 at Zephanie, 10. Si Kyle, ang football heartthrob ng Cebu, ang unang nasilayan ng mga manonood sa pangalawang season ng The Voice Kids, at simula nito’y tinilian na siya para sa kanyang good looks at nakakikilig na boses.
Hindi naman magpapahuli ang young diva ng Laguna na si Zephanie dahil kitang-kita ang improvement niya sa Sing-offs sa kanyang pasabog na performance, malayo sa reserved na artist na nakita noong blind auditions.
Kaya abangan kung kaninong boses ang mangingibabaw ngayong Sabado at Linggo at kung sino-sino ang iboboto ng publiko para umabante sa grand finals next weekend?
Samantala, sinuman ang tanghaling The Voice Kids Season 2 winner, masuwerteng makakukuha ng worth P2-M house and lot mula sa Camella ng Vista Land Companyna pinamumunuan ni dating Senador Manny Villar. At tulad ng dati, kung saang gustong lugar ng mananalong Voice Kids na Camella house and lot, iyon ang ibibigay sa kanya.
Sa kabilang banda, panalo pa rin ang The Voice Kids 2kung ratings ang pag-uusapan. Nakamit pa rin nito ang all-time high national TV ratings na 46.3%, ayon sa datos ng Kantar Media.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio