Tulad kahapon sa presscon ng pinakabagong drama series ni Julia na magniningning na simula Agosto 24 sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN, ang Doble Kara, natanong si Julia kung ano ang masasabi niya na mas sikat na sa kanya si Kathryn?
“Kathryn is Kathryn po talaga and I’m happy po kung ano na po si Kathryn ngayon—Teen Queen, ‘di ba? And happy din po ako na parang sabi ko nga po, from ‘Mara Clara’, hindi ko rin naman po ine-expect po na mabibigyan ako ng ibang role, na puwede po palang hindi ako maging kontrabida lang forever,” esplika ni Julia.
Noon pa ma’y lagi niyang sinasabing magkaibigan sila ni Kathryn bagamat hindi ganoon kadalas ang kanilang pagkikita. At hanggang ngayon, friends pa rin daw sila at walang inggitang nangyayari sa kanila.
Sa kabilang banda, sobrang happy naman si Julia sa career niya ngayon at sinabing sobra siyang na-challenge saDoble Kara . ”Sa rami ng mga role na nagampanan ko na hindi para sa edad ko, masasabi ko talaga ngayon na ito ang pinaka-challenging na proyekto na ibinigay sa akin. Dahil hindi lang puso at isip ang kailangang ibigay ko rito kundi pati na rin ang buong pagkatao ko,” ani Julia.
Iikot ang kuwento ng Doble Kara na handog ng Dreamscape Entertainment sa buhay nina Sarah at Kara, ang kambal na nabuhay sa isang masayang pamilya sa kabila ng kanilang kahirapan. Ngunit dahil nagkaroon ng malubhang sakit si Kara, mapipilitan ang kanilang ina na paghiwalayin ang kambal at ibigay si Kara sa kanilang tunay na ama dahil wala silang sapat na pera para maipagamot ito.
Kasama rin sa Doble Kara sina Carmina Villarroel, Ariel Rivera, Mylene Dizon, Gloria Sevilla, John Lapus, Allen Dizon, at Alora Sasam. Ipinakikilala rin sa teleserye ang bagong leading men ni Julia na sina Edgar Allan Guzman at Anjo Damiles. Kasama rin si Alicia Alonzo para sa kanyang espesyal na pagganap. Ito ay sa ilalim ng direksiyon nina Emmanuel Palo at Jon Villarin.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio