HABANG ito’y uri ng pagsayaw na nakareserba para sa mga exotic female dancer, parami nang parami ang mga kalalakihan sa Tsina na ngayo’y nahihilig sa pole dancing bilang alternatibong workout tungo sa magandang kalusugan.
Kailangan sa intricate na serye ng pagpulupot, pag-ikot at pagbali ng katawan ang paggamit ng abs, mga braso’t kamay at maging ang upper body strength.
Si Hao Tao ay isang 23-anyos binata na ginawa itong career para ituring na isang professional male pole dancer. Para kay Hao, ang pagsasayaw tulad nito ay pagkakatupad ng isang panaginip na matagal nang bumabagabag sa kanya simula nang makakita ng isang magandang dilag na nagsasayaw nang ganito sa isang pub.
“Talagang na-attract ako sa kanyang pagsasayaw kaya nakalimutan kong may mga kasama ako at sa kanya lang ako nakatitig … Naisip ko na kaya ko rin gawin iyon,” ibinahagi ng binata.
Ngunit kinantiyawan siya ng kanyang mga kaibigan at sinabihan pa si Hao na pambabae lang ang pole dancing. Dangan nga lang ay determinado siya na ipagpatuloy ang kanyang balak na tuparin ang matagal nang minimithi.
Naging matapang si Hao para sundin ang gusto at sa kanyang hometown sa Qingdao sa Shandong province sa eastern China ay sinimulan niyang magsanay sa kabila nang pagbatikos ng lokal na mga pole dancer, na tumangging turuan siya dahil hindi siya babae.
Nagtungo siya sa Hangzhou, Zhejiang province at doon nakakita siya ng dance school na makapagtuturo sa kanya ng nais niya.
Makalipas ang limang taon, nagbalik si Hao sa kanyang pinanggalingan—isa nang accomplished na male pole dancer.
Sa ngayon ay kumikita siya ng US$8,000 kada buwan sa pagsasayaw, at nagtatrabaho din siya para sa karagdagang kita bilang pole-dancing instructor.
Kinalap ni Tracy Cabrera