Nakita ko po ang number nyo po sa internet, ano po ba ang ibig sabihin na lagi kong napapanaginipan ang ex boyfriend ko? Ni hindi ko naman xa iniisip… Gem ng D avao po. ‘Wag po isusulat ang number ko po… ung name ko lng, tnx po.
To Gem,
Maaaring nagsasaad ang bungang-tulog mo ng pagkakahawig sa kasalukuyang karelasyon (kung mayroon man), sa naging relasyon ninyo noon ng iyong ex o sa dating karelasyon mo. Gayunman, dahil alam mo na ang mga pagkakapareho o pagkakahawig na ito, ito ay nagsisilbing paalala rin sa iyo upang huwag nang maulit ang mga pagkakamaling nagawa noon na nagbigay sa iyo ng labis na sakit at pighati. Ang panaginip mo ay maaaring nagbabadya rin ng paparating na kaligayahan na mararanasan tulad ng sa isang maayos at buong pamilya. Subalit depende rin ito kung tunay at busilak talaga ang damdamin ninyo para sa isa’t isa ng lalaking magiging asawa mo eventually, kung ikaw ay malaya pa hanggang ngayon. Posibleng ang isa pa sa dahilan ng panaginip mo ay dahil may pagtingin ka pa rin sa dati mong kasintahan. Kung madalas kasi siyang laman ng iyong isipan, natural lang na malaki ang posibilidad na mapanaginipan mo siya. At ang posibleng dahilan kung bakit siya laging nasa isip mo ay dahil may damdamin ka pa rin sa kanya. Ngunit dahil sinabi mong hindi mo naman siya iniisip, maaari rin namang kaya sumagi siya sa panaginip mo ay dahil sa mga bagay na nag-trigger lang kaya siya lumabas sa iyong bungang-tulog. Ang mga halimbawa nito ay ang makita mo ang dating larawan ng iyong ex, maalala o makita ang dating regalong galing sa kanya, ma-meet o maalala mo ang mga dating kaibigan o kakilala ninyo, ang mapagawi ka sa lugar na madalas ninyong puntahan noon, ang marinig ang dating themesong ninyo at mga katulad nito. Kung ganito ang sitwasyon mo, hindi ka dapat mag-alala dahil nagkataon lang ang panaginip mo at wala itong significance na ipinahihiwatig talaga. Ang panaginip mo ay maaaring nagsasaad din ng frustrations at disappointments sa iyong sarili o sa ilang mga sitwasyon na wala kang kontrol. Nagpapakita rin ito na mas nabibigyan ng diin ang repress at negatibong damdamin o nailalabas o naitutuon sa iba ang galit mo. Kailangang tignan at pagmalasakitan mo ang iyong sarili upang mas magkaroon ka ng kontrol sa iyong emosyon at mahanap mo ang tunay na kaligayahan.
Señor H.