INILUNSAD kamakailan ng Star Magic ang siyam na naggagandahan nilang alaga na ‘ika nila’y beyond beauties, beyond bodies and beyond babes na may iba’t ibang pangarap, passion, at personalidad na hindi naman matatawaran ang galing. Tinawag nila itong Star Magic Angels.
Isa sa Star Magic Angels si Loren Burgos na una naming nakausap sa presscon ng indie film na Mulat. Dito’y kaagad siyang napalaban ng aktingan kay Jake Cuenca. Sa isang taon pa lamang pamamalagi ni Loren sa Star Magic, masasabing masuwerte na siya dahil marami-rami na ring project ang naibigay sa kanya tulad ng Maria Mercedes, Home Sweetie Home, at Wansapanataym.
Ipinanganak sa Pilipinas subalit lumaki sa US si Loren na sumali sa police academy noong high school. Kaya naman tinagurian siyang One of the Boys. Isa rin siyang beauty queen na nag-aral sa California University Northridge.
Ani Loren, binuo ang Star Magic Angels para sila ang isabak sa mga mas matured role o paseksi pero whole some ang dating. “Hindi po ‘yung magpapakita ng katawan sa walang kawawaan,” giit ni Loren nang makausap namin ito.
Sinabi pa ni Loren na, “Ayokong ma-categorize bilang sexy star o palaging pa sexy. Gusto ko ‘yung character role na matsa- challenge. ‘Yun pong sira ulo na role. Ayaw kop o ng puro pa-sexy lang,” paliwanag pa ni Loren.
Iginiit pa ni Loren na papayag lamang siyang magpa-sexy ng grabe kung, “lead role po ako, okey sa akin. ‘Yung bed scene okey lang as long as na I will not show my body. Okey din po ‘yung sexy lingerie, two piece pero hindi totally nakahubad. And if it is required po talaga sa film na artistic naman ang approach okey naman pero kung soft porn ‘wag na.”
Ipinagtapat ni Loren na medyo nag-alala siya at nalungkot nang hindi matuloy ang project niya kasama sina Judy Ann Santos at Richard Yap. “Pero okey na po ako ngayon, may purpose po siguro tulad nitong pagkakabuo sa grupo namin. Kung natuloy po ako roon sa teleserye with Juday and Sir Chief, baka po hindi ko makaya ang makasama rito,” sambit pa ni Loren.
Nakatakda raw siyang isama sa teleserye ni Julia Montes, ang Doble Kara na isang kontrabida ang role niya. “Okey lang mag- kontrabida, kayang-kaya ko po ‘yan. Pero gusto ko po talaga ‘yung maging comedy actress, maloko po kasi ako, boyish.” Giit pa ni Loren.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio