MAS makabubuti kung hindi na aam bisyonin nitong si Valenzuela City Rep. Win Gatchalian ang Senado sa darating na 2016 elections. Tapusin na lang niya ang kanyang termino bilang kongresista sa halip na mangarap pa na maging senador.
Walang kapana-panalo itong si Win. Maliban sa ipinagmamalaking infrastructure at economic development noong siya ay nanungkulan bilang mayor ng Valenzuela, hindi naman maikakaila na kaakibat nito ang malaganap na droga, ilegal na sugal at prostitusyon sa nasabing lungsod.
Sabihin mang sikat si Win sa Valenzuela, hindi naman siya kilala sa mga probinsiya lalo na sa Visayas at Mindanao. Marami pang dapat patunayan si Win kung Senado ang kanyang puntirya.
Hindi rin makatutulong kay Win ang pagsama-sama niya kay Vice President Jojo Binay. Batbat ng kontrobersiya si Binay, at malamang na mahawa lang sa negatibong vibes nito.
Ang masaklap pa, sa gitna ng planong pagtakbo ni Win sa Senado, nahaharap pa si Win ngayon sa kasong graft at malversation of public funds na inirekomenda ng Ombudsman dahil sa isyu ng katiwalian sa Local Water Utilities Administration o LWUA.
Kaya payo natin kay Win, ‘wag nang tumakbo sa Senado. Umiwas na rin sa pagsama kay Binay dahil sa tuwing magdidikit sila napagkakamalan tuloy na magkasama sina Naruto at Yoda.