Buriki Gang sa NAIA isa-isa nang nalalagas
Jerry Yap
April 21, 2015
Bulabugin
ISA tayo sa mga natutuwa at unti-unting napapanatag sa unti-unting pagkalagas ng mga miyembro ng ‘BURIKI GANG’ diyan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
‘Yung Buriki Gang (baggage handler) po ay isang grupo ng mga eksperto sa pagnanakaw sa mga bagahe ng pasahero na supposedly ay ilalagay mula sa baggage conveyor papunta sa cargo section o vice-versa ng mga eroplano.
Pero ang ginagawa ng Buriki Gang, ini-intercept nila ang mga bagahe ng mga pasahero sa mga baggage conveyor from NAIA terminal bago maisakay sa cargo section ng eroplano.
Matitinik at eksperto na talaga ang mga pusakal na magnanakaw, dahil kahit may CCTV camera ay kaya nilang lagpasan at taguan.
‘Yung unang anim na miyembro ng Buriki Gang na nahuli ng MIAA Intel ay natuklasang contractual employees ng isang sub-contract employment agency ng airline companies.
Ayaw natin ‘matatakan’ ‘yung contractual employees ng mga airline companies, kasi very discriminatory ‘yan, pero sana naman magkaroon pa ng hakbang ang mga awtoridad sa NAIA at ang airlines mismo kung paano nila bibigyan ng proteksiyon ang mga bagahe ng kanilang mga pasahero.
Talagang masakit sa dibdib kapag nakikita natin na ang nananakawan ay mga kababayan natin na matagal namalagi sa ibang bansa at pagkatapos ay may uwing pasalubong para sa kanilang pamilya at ibang kaanak.
Lalo na ‘yung overseas Filipino workers (OFWs) na talagang dugo’t pawis ang perang ipambibili ng kanilang mga pasalubong.
Sila ang madalas na nabibiktima ng ‘Buriki Gang’ na ‘yan.
Pero sana ay hindi magwakas sa mga ‘Buriki Gang’ ang trabaho ng mga awtoridad sa NAIA. Dapat ‘e masudsod rin nila kung saan o kanino madaling naibebenta ang mga ninakaw sa mga bagahe ng mga pasahero.
Busisiin din kung may kasabwat silang mga guwardiya.
Tiyak kasi na sila rin ang tumutulong para makapasok sa mga employment agencies na sub-con ng airline companies ang mga miyembro ng Buriki Gang.
Malaki ang gastos sa pagko-comply ng mga requirements para sa employment kaya tiyak na mayroong namumuhunan para sa kanila.
Kailangan nang masinsinang intelligence work d’yan, AGM-SES ret. Gen. Vicente Guerzon.
Alam nating eksperto ka riyan at kayang-kaya mong tapusin ang pa-mamayagpag ng ‘Buriki Gang.’