Kudos Director Virgilio Mendez, Kudos NBI!
Jerry Yap
April 17, 2015
Bulabugin
MARAMING buhay ang nailigtas ng National Bureau of Investigation (NBI) nang salakayin nila ang dalawang yunit ng condominium sa Mandaluyong City na laboratoryo pala ng date-rape drug laboratory.
Ang date-rape drug po ay mas kilala bilang “liquid ecstacy” na karaniwang inihahalo sa inumin ng isang babae upang mawalan ng malay at mag-submit sa sexual act.
Isang patak lang tiyak na mawawalan na ng ulirat ang biktima.
Pero ang matindi rito, puwede rin mamatay ang gumagamit nito kapag nagkaroon ng chemical reaction ang pinaghalong GHB at alak.
Bawat 100 ml ng liquid ecstacy ay mabibili umano ng P10,000 na unang nauso sa Europa at Amerika.
Isang Aaron Limon, American national, ang sinabing may-ari ng kitchen laboratory.
Ang katabing yunit ay pagmamay-ari ng kababayan niyang si Dennis Thicke, Jr., anak ng lider ng isang malaking sindikato sa droga.
Naabutan ng NBI operatives sa isa sa mga condominium ang isang Nigerian national na banggag pa sa droga at isang Filipina model na sinabing misis ni Thickie.
Hindi na tayo nagtataka kung bakit laganap ang “liquid-ecstacy” sa itinuturing na hi-end entertainment places sa Metro Manila dahil ang target ng nasabing droga ay upper middle class market.
Kabilang na rito ang yuppies, entertainment sector, mga estudyante sa exclusive schools at iba pang area kung saan umiistambay ang ‘rich’ boys & girls.
Kaya karapat-dapat lamang purihin ang accomplishment na ito ng NBI dahil malaking sindikato ng droga ang napatiklop nila.
Inuulit po natin, Salamat NBI Director Virgilio Mendez.
Kudos NBI!