Nawawalang bagman ni VP Binay…
hataw tabloid
April 15, 2015
Opinion
SA bawat isyu ng katiwalian na ipinupukol kay Vice President Jojo Binay at sa kanyang pamilya, laging nakakabit o nababanggit ang pangalan nina Gerardo “Gerry” Limlingan at Eduviges “Ebeng” Baloloy.
Si Limlingan ang umano’y bestfriend at “bagman” ni VP Binay. Si Baloloy naman ang “personal secretary” ng Bise Presidente ng Pilipinas.
Ang pinaka-latest na isyu kay Limlingan ay nanghingi raw ng P200-milyon sa nakakulong ngayong si Delfin Lee, ang may-ari ng real state developer na Globe Asiatic, para hindi na ituloy ni VP Binay ang pagdedemanda sa kanya.
Pero dahil hindi raw nagbigay si Lee ay itinuloy ni VP Binay ang demandang Syndicated Estafa. Kaya ang una ay nakakulong ngayon sa Pampanga Provincial Jail.
Si Limlingan ay “missing link” din sa iniimbestigahang 11-storey P2.7 billion-Makati Parking Building 2, hacienda sa Rosario, Batangas, at iba pang proyekto at umano’y mga tagong properties ng pamilya Binay.
Sinabi ni Senador Antonio Trillanes, isa sa mga senador na nag-iimbestiga sa katiwalian ng mga Binay, na may joint account sina VP Binay at Limlingan. Kasalukuyan na raw itong iniimbestigahan ng Anti-Money Laundering Council (AMLAC).
Simula nang mabunyag ang mga katiwalian sa Makati City government na pinamumunuan ng mga Binay simula 1986 hanggang ngayon, ay hindi na nakita sina Limlingan at Baloloy. Bakit sila nagtatago?
Itong sina Limlingan at Baloloy ay malaki ang maitutulong sa mga Binay kung tunay ngang walang katiwalian ang pamilya nila.
Buhay pa kaya sila? Where are you, Mr. Limlingan at Mrs. Baloloy? Bakit ayaw n’yong lumabas para linisin ang mga pangalan ninyo lalo ng pamilya Binay?
Kailangang-kailangan ni VP Binay na mapakinis ang kanyang pangalan dahil nagdeklara siyang tatakbong Presidente sa 2016 election.
Sa latest survey ng SWS, sumasadsad pa ng all-time low ang rating ni Vice President sa 31 percent mula sa 73 percent noong Marso 2014 nang ihayag niyang tatakbo siyang presidente.
Posibleng babagsak nang babagsak pa ito habang patuloy niyang iniiwasang sagutin ang mga akusasyon sa kanya at kanyang pamilya.
Sa kasalukuyan, si VP Binay at kanyang anak na si Makati City Mayor Junjun Binay ay nahaharap sa Plunder sa Office of the Ombudsman. Ang kanyang misis namang si Dra. Elenita na dati rin alkalde ng Makati City ay iniimbestigahan ng Sandiganbayan sa kasong Graft.
Dalawang anak na babae ni VP Binay ay nasa kongreso. Si Nancy ay senador at si Abigail ay kongresista.
Target sila ng isinusulong na batas sa Anti-Dynasty!
Naglipanang mandurukot sa Pasay
– Gud day, sir Joey. Iparating lang namin sa hepe ng Pasay City PNP ang maraming mandurukot na naglipana dito sa babaan ng LRT galing Monumento sa Pasay-Rotonda. Nag-aaway pa sila kung sino mauuna mandukot. Dito rin po sa kanto ng Pilapil st. corner Edsa grabe po sa dami nila. Wala na kami mapagsumbungan. Ito lang ang paraan para maaksiyunan ito. Salamat! – 09098774…
Paging Pasay City Police chief at Mayor Tony Calixto, mga sir! Paki-aksiyonan ang sumbong na ito kung concerned kayo sa peace and order ng Lunsod!
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015