Friday , November 22 2024

Panloloko ng MILF balewala sa administrasyon

00 firing line robert roqueSA SIMULA pa lang ay niloko na ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang ating gobyerno, pero lumalabas na balewala ito sa mga kagalang-galang na opisyal ng administrasyon ni President Aquino.

Ang nabunyag na paggamit ni MILF chief negotiator Mohagher Iqbal ng alyas nang pumirma sa makasaysayang kasunduang pangkapayapaan nila sa ating gobyerno ay lalong nagpalakas sa mga pagdududa ng mga mamamayan sa katapatan ng rebeldeng grupo.

Unang nasira ang tiwala ng publiko nang brutal nilang paslangin ang 44 pulis ng Special Action Force (SAF) na may misyong hulihin ang dalawang kilalang terorista sa teritoryo ng MILF sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.

Dahil dito ay sinuspinde ni Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, chair ng Senate committee on local government, ang pagdinig sa Bangsamoro Basic Law (BBL), na magbibigay sa MILF ng kapangyarihan para pagharian ang malawak na bahagi ng Mindanao.

Ngayong nabulgar na hindi totoo ang pangalang ginagamit ni Iqbal, hindi kakaunti ang naniniwalang nawalan ng saysay ang kasunduang pangkapayapaan na pinirmahan niya at ng gobyerno.

Ang pagtanggi ni Iqbal na ibunyag ang tunay niyang pangalan at katwiran na marami siyang ginagamit na alyas, na pangkaraniwan daw sa mga rebelde at pati na sa mga bayani, ay hindi katanggap-tanggap.

Sa pananaw ng marami ay maaari siyang gumamit ng alyas sa pagsulat halimbawa ng aklat o sa ibang bagay, pero hindi sa isang legal na dokumento na pinasok niya sa pamahalaan dahil panloloko ito sa ating gobyerno at mga mamamayan.

Pero sa kabila nito ay ipinagtanggol pa rin siya ng administrasyon, nang sabihin ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte sa isang pulong balitaan na alam ng Executive Department na alyas ang ginagamit ni Iqbal. Alam daw nila ang tunay na pangalan ng mga negosyador ng MILF.

Ang BBL na kahahantungan ng usapang pangkapayapaan ng gobyerno at ng MILF ay dapat umanong talakayin batay sa mismong merito o mga katangian ng batas na ito, at hindi sa isyu ng alyas na ginamit ni Iqbal.

Pumasok din sa eksena si Justice Secretary Leila de Lima nang magpahayag na wala raw mali sa paggamit ni Iqbal ng alyas, at hindi raw ito batayan para mapawalang-bisa ang pinirmahan nitong kasunduan sa pagitan ng gobyerno at MILF.

Ginamit pang halimbawa ni De Lima ang paggamit daw ng dating pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada ng alyas na “Erap” sa kanyang kampanya at nakuhang mga boto, na pinayagan ng Commission on Elections (Comelec).

Nakaligtaan yata ng kalihim na kahit alyas “Erap” ang ginagamit ni Estrada ay hindi niya inilihim kailan man ang tunay niyang pangalan, at hindi niya niloko ang publiko sa paggamit nito. Hindi niya binalak paglaruan ang gobyerno at ang mamamayang Pilipino.

At kung talagang sesentro tayo na pag-usapan ang batas, hindi ba naaalala ng mga butihing opisyal ng administrasyon na ang BBL na kanilang sinusuportahan ay may mga kondisyon na salungat sa ating Konstitusyon?

Sa kabila ng lahat ng isyu para pagdudahan ang sinseridad ng MILF sa pakikipagkasundo sa gobyerno, mula sa buhay ng mga pulis na walang awa nilang kinitil hanggang sa pamemeke ng pangalan ni Iqbal, hindi mawari ng marami kung bakit hindi nagmimintis ang pagtatanggol ng administrasyon sa nasabing rebeldeng grupo.

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View. 

About hataw tabloid

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Firing Line Robert Roque

Alerto sa backlash

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. PARA sa isang analyst sa United States, isa ito …

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *