Ex-NPC prexy lumapit sa Ombudsman para sa lahat
hataw tabloid
April 14, 2015
Opinion
NANGYARI na… oo, nangyari na ang lahat, ang pag-aresto kay dating Pangulo ng National Press Club (NPC) Jerry Yap sa kabila na may memorandum of agreement sa pagitan ng NPC at iba’t ibang media groups; Philippine National Police; National Defense at Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa pag-aresto sa isang mamamahayag na may warrant of arrest dahil sa kasong libelo.
Kung mayroong warrant of arrest laban sa isang mamamahayag lalo kung ang kaso ay libelo, ang proseso ay nararapat na naaayon sa isinasaad ng MOA – kinakailangan makipag-coordinate muna ang ahensiya ng pamahalaan partikular na ang PNP sa NPC o media organization bago i-serve ang warrant sa isang mamamahayag.
Ginawa naman daw ito ng Manila Police District (MPD) na umaresto kay Yap, kolumnista at aming publisher sa pahayagang ito, kaya hayun, dinakip ang aming boss noong Pasko ng Pagkabuhay sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3.
Inaresto siya sa harap ng kanyang mga anak.
Sinasabi, matapos na makipag-coordinate ang MPD sa NPC, ipinaalam naman daw ng NPC sa Hataw na may warrant si Yap pero ang problema nga ay… holiday dahil Holy Week ito kaya hindi makapagpiyansa si Yap.
Bukod dito, hindi muna ipinarating ng staff namin kay Boss Jerry ang hinggil sa warrant na ipinaalam ng NPC dahil – bukod nga sa nasa bakasyon si sir, naniniwala kaming hindi siya aarestohin dahil holiday nga at naniniwala kami na walang gagawing pag-aresto.
Batay sa Memorandum Circular No. 3 ng Ministry of Justice na nilagdaan ni Vicente Abad Santos, Minister of Justice – dated September 25, 1978… “warrants of arrest should be served with the most careful adherence to the protections which the constitutions affords the individual citizen. In particular, it should be constantly borne in mind that the Constitution provides that in all criminal prosecutions, the accused shall be presumed innocent until the contrary proved. It likewise provides that no person should be deprived of liberty without due process of law.
To ensure that these constitutional protections shall not be jeopardized, utmost care should be observed in serving warrants of arrest. Most especially, no arrest should be made during nighttime; on holidays; or on weekends except as stated below. This prohibition is intended to avoid inconvenience on the part of the arrested person, who otherwise might find it difficult to post bail… etc.”
Kung susuriin, ang nangyari kay Yap batay sa memo, malinaw na isang paglabag sa batas ang pag-aresto dahil nga ginawa ito sa araw ng Linggo at nataong holiday pa… at bukod pa… idagdag na natin ang MOA sa pagitan ng NPC at mga ahensiya ng pamahalaan.
Tulad nga ng naunang nabanggit nangyari na ang lahat… pero ano pa man, hindi maitago ni Yap ang sama ng loob. Masakit nga naman ang nangyari sa kanya – lalo na ang pag-aresto sa harap ng kanyang mga anak.
Ano pa man, sa kabila ng nangyari sa kanya – masasabing kalmado lang si bossing pero ang kanyang kinakatakutan, malamang maulit ang insidente, hindi lang sa kanya kundi sa lahat ng mamamahayag.
Kaya isa sa ginawang hakbangin ngayon ni Yap ay hindi para sa kanyang kapakanan kundi para sa kapakanan ng lahat ng mamamahayag.
Nitong nakaraang Biyernes Abril 10 (2015), kinasuhan ni Yap sa Office of the Ombudsman ng kriminal at administratibo ang mga umaresto sa kanya.
Heto ang isa sa pangunahing dahilan ni Yap sa pagsasampa ng kaso, aniya… “These objectives are for the promotion of respect for press freedom and the practitioners thereof, and to stop the oppressive practice of arresting any person on Fridays, holidays or non-office days for crimes that are not heinous or grave offense.”
Ayos, sa kabila pa rin ng nangyari kay Yap, hindi lang ang kanyang sarili ang iniisip kundi para rin sa kapakanan ng kapwa mamamahayag o ng sinomang indibiduwal.
Ngayon nasa Ombudsman na ang lahat, ani Yap, ipinauubaya na niya ito sa ahensiya – kung ano ang magiging desisyon nila sa isinampa niyang kaso.
Ang NPC naman, eksakstong ika-10 araw na ngayon nang mangyari ang insidente kay Yap na inuulit ko, si GINOONG JERRY YAP ay DATING PANGULO NG NATIONAL PRESS CLUB, maraming kasamahang miyembro ng NPC ang nagtataka kung bakit wala pang inilalabas na statement ang kagalang-galang naming PANGULO na si GINOONG JOEL EGCO.
Sir, naghihintay kaming mga MIYEMBRO mo sa inyong HAKBANGIN.
INUULIT ko TANDAAN, SI YAP ay DATI natin PANGULO sa NPC. Nang maging PANGULO siya, HINDING-HINDI siya naging PABAYANG PANGULO.
Tandaan din na sama-sama natin ‘binuhay’ ang NPC noon sa pamamagitan ng itinatag na AFIMA kaya naging masaya ang lahat sa NPC.
Hindi ba mas masaya kung sama-sama together pa rin tayong lahat?