ITINUMBA NI RANDO SA ISANG BIGWAS ANG MAPANG-ASAR NA KAMANGGAGAWA
“Pasikat lang ‘yan… Pumapapel sa kapatas natin,” ismid ng pangatlo, ang mabulas na trabahador at tipong brusko.
Dinikitan si Rando ng lalaking ito. Pinatid ang mga paa niya sa paghakbang. Sumabog sa lupa ang bigkis ng mga tubo sa kanyang pagkadapa. Pinalakpakan at tinawanan siya nito. At hiniya pa sa pang-iinsulto.
“Paandar nang paandar, e lampa ka naman pala…” anitong iniihit sa pagtatawa.
Mabilis siyang nagtindig, walang imik na pinagpagan ng alikabok mga tuhod at braso. Ayaw niya ng gulo. Nagtiim-bagang na lamang siya kaysa mapasuong sa away.
Pinasan niyang muli ang malaking bigkis ng mga tubo. Pero humarang sa dara-anan niya ang makulit na kamanggagawa.
“Pare, ano? Kaya mo pa?” pang-aalaska nito kay Rando.
“Pare, pakiusap… tumabi ka!” aniyang nagtitimpi.
Pasaway talaga. Sa halip na bigyan siya ng daan ay nagmistula itong isang taya sa larong patintero.
“Pare, tabi… Tumabi ka!” sa matigas niyang tinig.
Namaywang lang sa daraanan ni Rando ang nakangising trabahador.
“Kumukulo ang ebak ko sa mga hambog na tulad mo,” pagliliyad nito ng mamasel na dibdib.
Bigla niyang ibinagsak ang pinapasan na bigkis ng mga tubo. At walang sabi-sa-bing umigkas ang kanyang kamao. Sapol sa panga ang alaskador na trabahador. Nagmistula itong pinutol na trosong lumagabog sa tuyong-tuyong lupa. Tulog!
Natulala ang dalawa pang sakada.
Hagibis na dinaluhan ni Mang Emong ang tauhan nitong tihayang-tihayang na-kabulagta.
“Knock-out si Bakal,” naisigaw ng ka-patas ng plantasyon.
“Nabigla lang po ako…” sa himig pagpapaunawa ni Rando sa katiwala ni Don Brigildo.
Pero hindi galit sa kanya ang matandang lalaki. Sa halip, tuwang-tuwa nitong itinaas ang kamay niya. (Itutuloy)
ni Rey Atalia