Sunday , December 22 2024

Si Cory (RIP) ay gaya  ni Gabriela Silang (Excuse me po!) (Sabi ni PNoy)

031514 pnoy corySINGLAWAK daw ng Pacific Ocean ang diperensiya nina Gabriela Silang at Cory Aquino.

‘Yan po mismo ang sabi ng tagapagsalita ng grupong GABRIELA nang ikompara ni Pangulong Benigno Aquino III ang kanyang ina sa bayaning si Gabriela Silang nang magsalita sa women’s month celebration ng mga kababaihang entreprenuer sa Technical Education, Skills and Development Authority (TESDA) sa Pasay City.

Hindi lamang insulto sa kanilang organisasyon kundi insulto rin umano sa bayaning si Gabriela Silang ang pagkokompara sa dalawang babae.

Bagama’t iniluklok ng EDSA People Power revolution si Cory, naniniwala ang GABRIELA na hindi siya nagkaroon ng diwang rebolusyonaryo para labanan ang dayuhang dominasyon, sa halip ay naging tagapagtaguyod siya ng US economic and poltical interests.

At ganoon din umano ang ginagawa ngayon ni Noynoy.

Sa madaling sabi, desmayado nang husto ang grupong GABRIELA sa pamilya Aquino.

Naniniwala kasi ang GABRIELA na malaki dapat ang nagawa ng administrasyon ni Tita Cory kung nagampanan niya ang kanyang tungkulin na unti-unting itransporma ang pamahalaan natin sa isang sistema na kumakalinga sa mas maraming maliliit o mahihirap nating mga kababayan na eventually ay mag-aangat sa kalagayang pang-ekonomiya ng bansa.

Simple lang naman ang formula ‘di ba, kung marami kang mamamayan na ang 80 porsiyento ay may trabaho, tiyak hindi maghihikahos ang buong bansa.

Magiging maayos din ang sistemang pang-edukasyon, pangkalusugan at iba pang aspektong pangkabuhayan at panlipunan kung ang buwis mula sa 80 porsiyentong mamamayan na may trabaho ay gagamitin nang tama at hindi ibubulsa ng government officials.

Kung maayos ang ating sistemang panlipunan, investors ang pupunta sa bansa at hindi ang mga mamamayan natin ang magiging migrant workers.

Kung mayroon tayong mga kababayan na lalabas ng bansa ay dahil sa kanilang expertise na kinakailangang ibahagi sa buong mundo na siyempre ay tutumbasan ng makatarungang kompensasyon. O kaya ay dahil sa study grants o magtuturista kaya lalabas ng bansa.

Hindi gaya ngayon na ang husay, galing at sipag ng ating overseas Filipino workers (OFW) ay nababarat dahil kumakapit sila patalim.

‘Yun bang para maibigay ang magandang kinabukasan sa kanyang pamilya ay kailangang lumayo at magpaalipin sa ibang bansa?!

Ang saklap ‘di ba?!

At kung magtuturista naman o mag-i-study grant ay pagbibintangan na tourist worker kaya hinaharang sa airport.

Hindi rin sana nahihirapan magpa-doktor o magpa-ospital ang mga kababayan nating higit na nangangilangan nito dahil maayos ang sistemang pangkalusugan.

Hindi gaya ngayon, ang ating Philippine General Hospital (PGH) na dapat ay maging sentro ng dalubhasaan sa medisina ay dinadaig pa ang third class hospital dahil sa kakulangan sa maraming medical equipments, laboratory equipments at higit sa lahat kakulangan sa doctor, nurses at iba pang medical allied professionals dahil karamihan sa kanila ay nagpupunta sa abroad.

Sabi nga ng isang isa nating kakilalang doctor, mula sa dating limang elevator ay isa na lamang ang  gumagana ngayon sa PGH.

Ito umano ang ibinunga ng DEVOLUTION ng health funds na isinulong ni dating health secretary & senator Juan Flavier (RIP).

Noong panahon ni Tita Cory, lalo rin sumama ang sistema ng edukasyon at hanggang ngayon sa panahon ni Noynoy na mahigpit ang adbokasiya sa K to 12 program na alam na alam ng education experts na hindi solusyon para iangat ang bumagsak na sistema kundi tiyak na pupugaran lang ng maraming ‘project insertions’ na sumusuhay sa malalang korupsiyon sa budget system ng bansa.

Hay Bro. Luistro, dalhin mo sana ang sumpa ng kamangmangan sa hukay!

Siyanga pala, ang K to 12 program ay malinaw na pagsusulong ng US political and economic interest dahil ito ay IMF-WB imposition na nilalagdaan ng nangungutang na bansa sa pamamagitan ng letter of intent (LOI).

At ‘yan po ang mabigat na kasalanan ng mga Aquino.

Nailuklok sila sa popular na pagtitiwala ng sambayanan na isusulong ang interes ng mas nakararami pero hindi lang nabigo ang maliliit kundi lumalabas na napagtaksilan pa dahil ang isinulong nila ay dayuhang interes.

Tsk tsk tsk …

Kung ganyan ang nangyayari ngayon sa ating bansa, paano  mo nga naman ikokompara si Cory kay Gabriela Silang na nakibaka laban sa pananakop ng mga dayuhang Español?!

Hay Noynoy, wala itong personalan, pero bilang Pangulo ng bansa, dapat na mulat ka sa kasaysayan ng iyong bansa at iyong lahi.

At kaya mong manindigan sa kung ano ang tama para sa interes ng marami at hindi sa interes ng angkan.

‘Yun lang.

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sir Jerry Yap JSY Ed de Leon

Sa unang Pasko na wala siya
JSY HINDI NAKALIMOT SA MGA EMPLEYADO

ni ED de LEON AYOKONG isipin na wala na si Boss Jerry. Ang laging nasa …

Sir Jerry Yap JSY Nino Aclan

JSY, the best boss that i’ve ever met

ni Niño Aclan SIR JSY is the “Best Boss” that I’ve ever meet. Ganito ko …

Sir Jerry Yap JSY Bong Son

Totoong tao, tunay na kaibigan, best boss ever

ni BONG SON TUNAY na ako’y napahanga sa ipinakitang pagmamahal ng publisher ng HATAW Diyaryo …

Sir Jerry Yap JSY Ms M

Forever grateful kay JSY

ni Maricris Valdez-Nicasio COOL boss. Ganito ko sabihin at ilarawan ang aming publisher na si …

Sir Jerry Yap JSY Rose Novenario

Matatag, maaasahan, may paninindigan
PINAKAMATAAS NA PAGSALUDO SA IYO, SIR JERRY!

ni ROSE NOVENARIO KUNG ilalarawan ko ang pagkatao ni Jerry Sia Yap bilang employer at …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *