Mga doktor sa JASGH sa Binondo desmayado sa isang opisyal
Jerry Yap
March 29, 2015
Bulabugin
INIREREKLAMO ng maraming doctor sa Jose Abad Santos General Hospital (JASGH) ang isang opisyal na masyadong umaabuso sa kapangyarihang ipinagkatiwala ng administrasyong humirang sa kanya.
At dahil daw sa pang-aabusong ‘yan sa kapangyarihan ay lalong nararamdaman at kitang-kita ang pagkakaiba ng kasalukuyan kaysa nakaraang administrasyon.
Ang JASGH gaya ng Ospital ng Tondo, Gat Bonifacio Memorial Center, Sta. Ana Hospital at Ospital ng Sampaloc ay ipinatayo ni Manila Mayor Alfredo Lim para maging affordable at accessible ang health services ng lungsod sa mahihirap na Manileño at kahit na sa mga hindi residente ng lungsod.
Naalala pa natin, na marami tayong nai-refer na mga katoto natin sa media o mga kamaganak nila na nangangailangan ng medical attention sa mga opsital na ‘yan. At hanggang ngayon po ay hindi matapos-tapos ang pasasalamat nila kay Mayor Lim.
Anyway, ‘yung sinasabi po nating opisyal ng JASGH, minomonopolyo o kinokontrol naman ngayon ang promosyon ng mga taga-JASGH gayong malinaw sa regulasyon na hindi siya dapat makialam sa prosesong ito.
Alinsunod sa regulasyon, mayroong panel na siyang dapat na mag-facilitate ng promotion processes na binubuo ng tatlong (3) division chief, assistant director at hepe ng personnel.
Pero iginiit daw ng nasabing opisyal na dapat ay kasama siya sa panel.
Ang ultimong layunin umano ng kayang paggigiit na maisama siya sa panel ay para maitulak ang promosyon ng kanyang mga ‘protégée.’
Sa opisina lang umano ng opisyal na ito ay tatlo ang kanyang sekretarya na kanyang ipinipila sa promosyon.
Kaya naman nababalewala ang itinatakdang criteria/quality at nagmumukhang moro-moro ang promosyon.
Dahil umano sa nangyayaring pang-aabuso sa kapangyarihan ng nasabing opisyal, lalo nilang naaalala ang pioneer director na si Dr. Ted Martin.
Mula sa pagiging ordinaryong mother and child city hospital ay naiangat ni Dr. Martin ang kalidad ng JASGH kaya nga sandaling-sandali lang ay itinaas na ito sa kategoryang GENERAL HOSPITAL ng Department of Health (DOH).
Kung talagang may malasakit ang opisyal na binabanggit natin na inirereklamong nang-aabuso ng kanyang kapangyarihan, aba, dapat niyang tigilan ang panghihimasok sa promosyon dahil wawasakin niya ang kredebilidad ng ospital.
Tama na, sobra na!