ISA kami sa nag-abang sa tinatawag na daring scene o ang mainit na pagsasayaw niMaja Salvador noong Miyerkoles sa Bridges of Love na pinagbibidahan din ninaJericho Rosales at Paulo Avelino.
Umpisa pa lang, nakumbinse na kami ni Maja na bagay nga sa kanya ang role bilang si Mia, isang night club dancer at talagang nabigyan niya ng hustisya ang pagiging dancer. Kumbaga, hindi nalalayo ang ginawa niyang pagsasayaw sa ginawang sayaw din noon ni Vilma Santos sa Burlesk Queen.
Ayon sa balita, pagkatapos na pagkatapos ng sayaw, agad nag-trending worldwide sa Twitter ang daring scene na iyon na may hashstag na #BridgesOfLoveTheStarDancer.
Hindi lang iyan, simula nang mag-umpisa ang Bridges of Love noong Lunes, Twitter-trending primetime drama series na agad ito dahil sa mapangahas at mabilis na andar ng kuwento na umiinog sa buhay ng magkapatid na sina Gael (Jericho) at Carlos (Paul), na matapos paglayuin ng isang malagim na trahedya ay pinag-ugnay ngayon ng pagkabighani nila sa isang kaakit-akit na club dancer na si Mia (Maja).
Batay sa datos mula sa Kantar Media, humataw ito sa national TV ratings mula nang umere noong Lunes (Marso 16). Panalo ang serye sa time slot nito taglay ang national TV ratings na 21.9%, 24.4%, 24.4%, at 24.1% mula Lunes hanggang Huwebes (Marso 19). Malaki ang lamang nito kompara sa katapat na programa sa GMA na Second Chances, na nakakuha lamang ng13.6%, 12.3%, 14.1% at 14.8%.
Ang Bridges of Love ay idinidirehe nina Dado Lumibao, Will Fredo, at Richard Somes, likha ng Star Creatives production, ang grupong naghatid sa primetime TV hits kabilang ang Princess and I, Got to Believe, The Legal Wife, at ang kasalukuyang umeere ring Forevermore.
ni Maricris Valdez Nicasio