Jeane Napoles nalusutan sina De Lima At Mison (Setyembre 28 (2014) pa pala nasa bansa!)
Jerry Yap
March 23, 2015
Opinion
SINO kaya ang nagtutulog-tulugan ‘este natutulog sa pansitan at hindi man lang napansin ang pagdating ng anak ni pork barrel scam queen Janet Lim Napoles na si socialite Jeane Catherine Lim Napoles?!
Si Jeane Catherine Lim Napoles, ang anak ng nakahoyong pork barrel scam queen, na feeling anak nang hari at reyna kung maglamyerda,mag-shopping at pumorma sa Amerika at sa iba pang bansa na kumalat noon sa mga social site.
Kunsabagay, reyna naman talaga kung tawagin ang kanyang ina — reyna ng mga mandarambong sa pera ng bayan.
Ang batang Napoles ay nahaharap sa P32.06-milyong tax evasion sa Court of Tax Appeals matapos kasuhan ng Department of Justice (DoJ).
Base sa impormasyon na nakarating sa atin, Setyembre 2014 pa pala nang dumating sa bansa ang batang Napoles sakay ng SQ-918 dakong 11:45 ng gabi pero mukhang hindi itinimbre kay Immigration Commissioner Siegfred Mison ng kanyang mga tauhan sa NAIA.
Ganon ka ba kadaling napapalusutan, Mr. Commissioner!?
Ano ba ang pinagkakaabalahan mo at pati trabaho mo ay napapabayaan mo na yata!? Hindi malayong pati si SOJ Leila De Lima ay mapahamak sa ‘yo!?
Aba’y kung ganyan ang trabaho mo, dapat ka nang sibakin ni PNOY diyan sa Immigration!
Kung hindi pa may nakakilala kay Jeane Napoles nang makita siya sa isang five star hotel diyan sa Pasay City kasama ang kanyang mga kapatid at ama na ini0post sa FB ay hindi pa malalaman ng sambayanan na naririyan na pala si Jeane.
Si Jeane, ang anak ni Napoles ay sinampahan ng kaso ng DOJ dahil din sa paglabag sa National Internal Revenue Code (NIRC).
Natuklasan ng DOJ na ‘nakakuha’ ng condominium unit sa Ritz Carlton sa Los Angeles, California na nagkakahalaga ng P54.73 milyones at may share katumbas ng P1.49 milyon sa Bayambang, Pangasinan noog 2012.
Si Jeane ay hindi umano naghain ng income tax return (ITR) noong 2011 at 2012.
Kung ganito kabigat ang kasong kinakaharap ni Jeane pero nakalusot sa ‘mapagbantay’ na mata ng Bureau of Immigration (BI), hind malayong isipin na marami nang nakalusot na ‘most wanted’ sa mga taga-BI d’yan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kakatwa talaga ang mga taga-Immigration na pagkahigpit-higpit sa mga overseas Filipino workers (OFWs) pero pagkaluwag-luwag sa mga dapat nilang bantayan nang mahusay.
Ito naman si SOJ Leila De lima, sa dami ng epal ‘este sinasakyang issue ay “too late the hero” na rin na nag-issue (nitong March 19,2015) ng LOOK-OUT BULLETIN (dating watchlist) laban kay Jeane Naploes!
Anak ng tungaw! Ano ba naman ‘yan!?
Aanhin pa ang damo kung napapalusutan kayo ng kabayo!?
Ipadampot na agad ‘yan si Jeane Napoles, Madam Leila De Lima nang sa gayon naman ay mapaniwala ninyo ang sambayanan na hindi drawing ang ‘LBO’ at mga kasong isinampa ninyo!
Sarhento Kolektong ng ‘DILG at PNP’ gumagala na sa Metro Manila
ISANG alias SARHENTONG GREG AGRELADO Y AGREMANO ang sikat na sikat ngayon na umiikot sa mga 1602 player,putahan, sugalan, beerhouse at maging sa mga drogahan.
Gasgas na gasgas ng kamoteng ito ang pangalan nina Gen. Leonardo Espina at Gen. Carmelo Valmoria pati na si DILG Secretary Mar Roxas sa panghihingi ng intelihensiya sa mga ilegalista.
Diskarte pa ng kumag “funding” daw para sa kampanya ni SILG Mar Roxas!?
What the fact?!
Ano sa palagay nila kay Mar Roxas, que pobrecito?! As in walang datung para pondohan ang kanyang kampanya?
Hoy alyas Greg, huwag kang gumimik sa pangongolektong. Huwag mong gamitin ang pangalan ng mga bossing mo para sa pansariling bulsa mo!
Paging Generals Espino and Valmoria, pakiimbestigahan ang kolek-TONG ni alyas Greg!
Paging Sec. Mar Roxas, sampolan mo nga ang ulalong gumagamit ng iyong pangalan sa kawalanghiyaan!
Customs-Naia officials pinarangalan at pinapurihan ng PDEA
BINABATI natin ang matatapang at magigiting na opisyal at mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa natanggap nilang papuri at karangalan mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Mismong si Director Erwin S. Ogarion ng PDEA ang nagkaloob ng “Plaque of Commendation” kay BOC-NAIA District Collector Edgar Z. Macabeo.
Hindi lang si Collector Macabeo, maging si BOC-ESS director ret. Gen. Willie M. Tolentino ay binigyan din commendation.
Kasama rin na pinarangalan sina Special Police Lieutenant Regino A. Tuason District Commander ng BOC-Port of NAIA.
Maging si Special Police Lieutenant Sherwin Andarada, Executive Officer for Operation ng BOC-CAIDTF.
Ito ay bilang pagkilala sa kanilang walang katulad na pagganap sa tungkulin lalo na laban sa ilegal na droga.
Dahil dito ay nakakompiska ang buong BOC-NAIA ng 38.65 kilo ng shabu at naaresto ang consignee na kinilalang isang Danilo Pineda dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002).
Buong kababaang-loob naman na kinilala rin ni Collector Macabeo ang partisipasyon ng BOC-ESS personnel na direktang sumasailalim kay BOC Deputy Commissioner Ariel Nepomuceno.
Dito talaga tayo ‘bilib’ sa team ni Collector Macabeo… “they gave credit where credit is due.”
Again, congratulations Collector Macabeo at sa BOC-NAIA!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com