On-duty id para sa airport media tinapyasan ulit ng access (Pero si Airport Concession King, all-areas ang ID!)
Jerry Yap
March 11, 2015
Bulabugin
IBANG klase raw ba talagang mag-isip ang mga taong sinasabing ‘think tank’ ni MIAA GM Jose Honrado?
Para kasing sa bawat desisyon nila ay may kalakip na depensa sa ipinatutupad na patakaran.
Tulad nang inilabas na bagong 2015 On-Duty ID ng MIAA na inisyu sa airport in-house reporters. Huli na nga nilang ini-release ay parang pinag-tripan pa raw!?
Unang tinarantado ‘este’ tinatrato ang limitasyon ng mga Airport Media noong 2010 sa MIAA.
Nagpalabas ng Annual MIAA ID ng mga reporter na kulay blue. Meaning hanggang lobby lamang magko-cover ang media men. Huli rin nang ibigay sa mga reporter noong panahong iyon.
Dahil sa persistent demand at kaliwa’t kanang ‘banat’ ay nag-isyu ang MIAA ng On-Duty ID with Green color. Meaning All Areas ngunit nakalagay ang “No Ramp.”
Ngunit ngayon, sa new On-Duty ID na inilabas para sa renewal ng in-house reporters ay may dagdag at nakalagay na “No Boarding Gate.”
Ano kaya ang ibig sabihin nito!? May itinatago kaya ang MIAA management na nagaganap sa Boarding Gate kung bakit parang napapraning na naman sila?
Sino kayang MIAA bright boy ang may akda ng panukalang ‘to!?
Ang hepe kaya ng Pass Control Office IID? May kinalaman kaya ang tanggapan ng Asst. General Manager for Security and Emergency o office of the Senior Assistant GM?
Anyway, naintindihan naman natin ang madalas na ibinibigay nilang rason sa airport media kung bakit nila ginagawa ito. For security reasons ‘kuno’ gaya ng ginawa rin nilang paglilimita sa access ng Immigration NAIA.
Pero ang labis na ipinagtataka at ikinaiinis lang naman nila, bakit ‘yun dayuhang concession king sa NAIA na si SIMON WONG ay ALL AREAS ang MIAA ACCESS ID!?
Madalas din daw makita si Swapang ‘este Simon Wong na sumusundo at naghahatid sa Immigration hanggang boarding gate?!
Ibig bang sabihin nito, ang airport media ay security risk at si Simon Wong ay hindi!?
What the fact!?
Sobra sobra naman ‘ata ang VIP treatment ng MIAA management sa kanya ‘di ho ba?
Magkano ‘este’ anong dahilan at may special privilege ang damuho sa NAIA?
Hmmnnn…may naamoy tayong malansa…