‘Gisting Buriki’ humahataw sa Pulilan Bulacan (Bulacan Pnp Nganga!?)
Jerry Yap
March 10, 2015
Bulabugin
WALANG takot ang isang alyas ‘Gisting’ sa pag-o-operate ng ilegal na ‘buriki’ sa Pulilan, Bulacan, na isinasagawa niya sa tungki ng ilong ng tatanghod-tanghod na pulisya sa naturang bayan.
Ayon sa ating Bulabog boy, lantaran at garapalan na halos kung isagawa ni alyas ‘Gisting’ ang pambuburiki ng soya beans mula sa trucking na bumibiyahe sa iba’t ibang parte ng Luzon.
Gamit ng grupo ni alyas ‘Gisting’ sa pambuburiki ang parking area sa likod ng Shykes sa Pulilan, sa harap ng isang canteen.
Hindi small-time ang operasyon ni alyas ‘Gisting’ dahil sa maghapon at magdamag na operasyon ng buriki, daan-daang sako ng soya beans ang nakukulimbat ng kanyang grupo.
Milyong piso ang nagiging bentahan nito sa loob ng isang linggo kaya ang hinayupak, laging ngiting-aso.
Nasa NELX o sa kalsada pa lamang ang trak ay tinatawagan na ni alyas ‘Gisting’ gamit ang cellphone ay nagtatrato na sila ng drayber sa halaga ng ibuburiking soya beans.
Kadalasan, nakapila sa likod ng Shykes ang mga trak kung saan ang mga drayber ay kakutsaba ni alyas ‘Gisting’ para hindi halatado ang operasyon, kunwari ay kumakain sila sa canteen.
Sonabagan!!!
Makikita na rin agad sa lugar ang mga buyer at ahente ng nakaw na soya beans na kontak ni alyas ‘Gisting.’
Maraming taga-Pulilan ang nagtataka kung bakit at paano lalong namayagpag si ‘Gisting Buriki’ nang maupong PNP provincial director sa Bulacan si S/Supt. Ferdinand Divina!?
Ang opisyal raw kasi ang laging bukambibig ni ‘Gisting Buriki’ na ‘timbrado’ na sa lahat ang kanyang ilegal na negosyo.
Pulilan PNP chief of police P/Supt. Leon Victor Zamora Rosete, alam mo ba na bukod sa soya beans, ay binuburiki rin ng grupo ni alyas ‘Gisting’ ang bigas, semento at feeds?!
Hindi mo ba namo-monitor ang pamamayagpag ng ilegal na gawain ni ‘Gisting Buriki’ sa area of responsibility (AOR) ninyo Kernel!?
Nakakontak din si alyas ‘Gisting’ sa dalawa pang operator ng buriki sa Porac at Magalang, Pampanga na sina ‘TOLITS’ at ‘TIBAY,’ na ang bukambibig naman ay supporter daw sila sa politika ni Pampanga Governor Lilia Pineda.
What the fact!?
Dagdag pa ng bulabog boy natin, nagpapalitan lamang ng kontak sa mga trak ng soya beans ang tatlong buriki operators.
Bulacan PD S/Supt. Ferdinand Divina, naitimbre na ba ng mga bataan mo ang ‘pangkabuhayan buriki’ ni Gisting!?