Parañaque Mayor Edwin Olivarez walang isang salita!?
Jerry Yap
March 9, 2015
Bulabugin
NOONG 2013 election, isa sa mga issue at campaign promise na ginamit ni Mayor Edwin ‘political dynasty’ Olivarez ay WALANG MANGYAYARING DEMOLITION sa Parañaque City kapag siya ay naupong alkalde ng lungsod.
Wakanga!!!
‘E mukhang nagkaroon ‘ata ng amnesia si Yorme Olivarez!?
Bakit sunod-sunod ang demolition ngayon sa Barangay Tambo at libo-libong pamilya ang sapilitang dinadala sa Trece Martirez Cavite!?
Ilan sa mga nai-relocate ang nagparating ng kanilang sama ng loob sa kasalukuyang Mayor ng Parañaque. Maayos naman daw ang pamumuhay ng pamilya nila noon administrasyon ni former Mayor Jun Bernabe.
Napakahirap daw ng pinaglipatan nilang housing sa Cavite. Kapos sa tubig at napakalayo sa kanilang trabaho dito sa Kamaynilaan. Pati mga anak nila ay biglang nahinto sa pag-aaral sa layo ng eskwelahan.
Buong akala nila ay ipaglalaban sila ni Mayor Olivarez, pero isang malaking maling akala pala ang lahat ng pambobola sa kanila noong 2013 sa panahon ng kampanya?!
Matapos pakinabangan ni Olivarez ang mga boto nila ‘e para raw silang basura na basta na lang ipinatapon sa malayong lugar.
Oo nga naman Yorme Olivarez, ang dali mo palang makalimot sa mga OPM mo noong kampanya!?
Anyare!?
Aba’y kung ganyan nang ganyan ka, baka hindi ka na maka-2nd term sa Parañaque!?
By the way, hindi mo ba naririnig ang pagmumura ng mga motorista tuwing dumaraan sila diyan sa Sucat Road Multinational Village? Hanggang ngayon ay hindi pa rin inaaspalto ‘yung napakaigsing kalsada diyan!?
Wala bang makuhang isponsor ang BPLO chief mo para maipa-aspalto na ‘yan, Mayor Olivarez!?
MPD Ps-8 pakaang-kaang laban sa ilegal na droga
Imbes masugpo o mabawasan ang kalakalan ng ilegal na droga sa AOR ng MPD Presinto Otso tila lumalakas pa ang bentahan ngayon ng shabu sa nasabing lugar.
Sakop ng MPD Station 8 na pinamumunuan ng isang P/Supt. OPELANIO ang Quiapo Muslim area at ilan hakbang lang ang layo sa PALANCA PCP.
Base sa sumbong na ipinarating sa atin, kung noon ay kinatatakutan ng mga tulak o pusher ang lugar na ‘yan dahil sa tindi ng anti-illegal drug operation ay iba na ngayon.
Animo’y pa-relax-relax lang daw ang pulis-otso kaya talamak na naman ang kalakalan ng ‘bato’ at dinarayo pa raw ngayon?!
Oo nga naman Kernel Opelanio, bakit nga naman parang pa-lembot-lembot ang mga bata mo laban sa ilegal na droga?
Totoo ba ang info na nakarating sa inyong lingkod, na madalas daw may ‘bangketahan’ diyan sa teritoryo ninyo?
May ‘bangketahan’ na… may ‘planting’ pa Kernel!?
Sonabagan!!!
Sabi nga ng ilang pulis sa MPD HQ, baka raw sobrang lamig ng opisina ninyo kaya parang ayaw na ninyong lumabas?!
Galaw galaw Kernel!