MWSS sinasabotahe si PNoy
hataw tabloid
March 2, 2015
Opinion
GUSTO ni Presidente Noynoy Aquino na mag-iwan ng legacy sa kanyang pamumuno.
Kaya naman inaprubahan niya ang Public-Private Partnership (PPP) at iba pang investment programs nitong nakaraang buwan ang anim na naglalakihang infrastructure projects na nagkakahalaga ng P372 bilyon!
Kaya lang talaga yatang hindi nawawala ang ahas sa bawat kampo. May ilang tauhan si PNoy na tila sumasabotahe sa kanyang mga programa na humikayat ng mga mamumuhunan para suportahan ang PPP o ilan pang big-ticket ventures.
Gaya nalang ng ginagawa nitong Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at ng Regulatory Office (RO) sa dalawa nilang private investor-concessionaires na Maynilad Water Services Inc. at Manila Water Co. (MWC) at sa pagsuway ng MWSS sa International Chamber of Commerce (ICC), na siyang nangungunang international arbitral institution para sa pandaigdigang kalakaran.
“Pro-consumer” kuno ang ginawang policy reversal ng MWSS subalit makasasama pa nga ang pagsuway na ito sa mga taga Metro Manila lalo na ang mga mahihirap na konsyumer dahil pipigilan lang nito ang Maynilad na ipatupad ang lahat ng kanilang mga proyekto para palawakin pa ang kanilang serbisyo sa mas maraming lugar kung saan naninirahan ang ating mga mahihirap na kababayan.
Salungat sa tingin nila sa kanilang mga sarili na mga kampeon o tagapagtanggol ng mga konsyumer sa Kamaynilaan, nilabag ng MWSS ang rate-rebasing system sa mga concession agreement nito sa Maynilad at MWC nang atasan nito noong 2013 ang dalawang kompanya na kaltasan ang kanilang taripa. Ito ay isang halimbawa ng pagbaliktad ng polisiya ng pamahalaan na siyang binabatikos noon pa man ng business community at siyang ikinakatakot ng mga lokal at dayuhang mamumuhunan.
Dahil sa policy reversal at contract breach na nilabag ng MWSS, parehas nagsampa ang Maynilad at MWC ng hiwalay na arbitration cases sa Appeals Panel ng ICC, ang hukom na base sa mga kontrata’y ang siyang maghuhusga sa panahong may hindi pagkakaunawaan ang gobyerno at ng dalawang pribadong kumpaniya.
Pumabor sa Maynilad ang naging desisyon ng ICC Appeals Panel noong Dec. 29 sa kanilang kaso. Ngayong taon naman ibababa ang desisyon sa hiwalay na kaso ng MWC.
Magkahiwalay na isinambulat nina MWSS Administrator Gerard Esquivel at MWSS chief regulator Joel Yu na kahit pa hindi na nila inaapila ang naging desisyon sa kaso ng Maynilad, hindi muna nila ito ipapatupad hanggang sa maglabas narin ng desisyon ang ICC sa kaso ng MWC.
Ang ginagawa ng MWSS at ng RO nito ay nakakairita para sa business community dahil sa ang linya ng pangangatwiran ng MWSS sa pagpapaikot-ikot nito ay mangangahulugan ng bureaucratic inaction o pag-iisantabi ng pag-adjust ng presyo. Ito ay matinding paglabag sa desisyon ng ICC at siya ring paglabag sa business laws at maging sa probisyon ng 1987 Philippine Constitution na nagbabawal sa impairment of contracts.
Para kay Maynilad chief finance officer Randolph Estrellado, sagabal sa pagpupursigi ng gobyerno na umakit ng foreign investments (lalo na’t may iba’t ibang investment road shows tayo ngayon sa labas ng bansa na nakatakda ngayong taon) ang pagsuway ng MWSS sa naging desisyon ng ICC, na dapat ay pinal na at hindi maaaring labagin ng parehong partido, ayon narin sa mga concession agreement o kontrata na nilagdaan nila.
Salungat sa gusto ng mga kritikong isipin ng publiko na pasakit ito sa mamamayan, isang tagumpay pa nga para sa mga taga Metro Manila ang naging desisyon ng ICC, lalo na sa mga nakaranas ng ga-patak at napakamahal na tubig noong mga panahong hindi pa naisasapribado ang serbisyo ng patubig sa Kamaynilaan.
Kahit dalawang taon pang naantala ang pagpapatupad ng panibagong presyo ng tubig ay nakuha pa ng Maynilad na mag-alok ng isang payment formula pabor sa mga konsyumer na utay-utayin ang dagdag-singil sa loob ng tatlong taon – katumbas ng ‘di lalagpas sa piso kada cubic meter kada taon – kahit pa pinapayagan ng rate-rebasing process na nakapaloob sa concession agreement nito sa gobyerno na kolektahin ng isang bagsak ang anumang dagdag-singil, para sa ikabubuti ng mga konsyumer lalo na sa mga kapos o maliit lang ang kita.
Salungat sa pagbubunyi sana sa naging desisyong ito ng ICC, isa na namang malaking dagok sa PPP ni President Aquino ang ginawang “aksyon” ng MWSS.
Sumabay pa itong pagkakalat ng MWSS sa nakatakdang road shows sa Amerika ng grupo ng gabinete ni PNoy sa pangunguna nila Public Works Secretary Rogelio Singson and Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya na ang layunin ay humikayat na mamuhunan sa PPP.
Hindi ito dapat palagpasin ni PNoy. Sinasabotahe na sya rito ng mga tao nya sa MWSS.
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015