Safe na nga ba ang Chinatown?
Jerry Yap
February 24, 2015
Bulabugin
IPINAGMAMALAKI ni Yorme Erap na dahil sa kanyang kamay na bakal ‘e nag-improved umano ang seguridad sa Chinatown.
Nabura na raw niya ang imahe na ang Chinatown ay hunting ground ng kidnap-for-ransom (KFR) group.
Sabi pa ni Erap sa kanyang praise ‘este’ press release, 24-oras na raw ang police patrol sa Chinatown.
Siya lang umano ang punong lungsod ng Maynila na nagpalakas ng pagkakaisa ng Filipino-Chinese community.
Sabi nga ng isang konsuhol ‘este konsehal na sipsip sa kanya, “This has not happened in any of the previous administration before.”
Wee!? Hindi nga?!
Baka nalilimutan ni Erap at ni sepsep konsulsol ‘este’ konsehal Bernie Ang, noong panahon na presidente si Erap ang kalakasan ng KFR na ang laging biktima ay mga kapwa niya Chinese.
Mismong anti-crime watchdog group na kinabibilangan ng mga biktima ng kidnapping sa Tsinoy community ang nagpapatunay na nanatili nag aktibidad ng KFR sa Chinatown.
Ayon kay Ka Kuen Chua, chairperson ng Movement for Restoration of Peace and Order (MRPO), mayroong dalawang kompirmadong kaso ng kidnapping pero marami ang hindi naiulat na insidente ng kidnapping nitong nakalipas na 2014.
Ang dalawang kompirmadong kaso ay kinabibilangan ng kinidnap na negosyante sa Sta. Mesa area at ang isa naman ay sa Divisoria-Binondo.
Ang dalawang insidente ay pareho umanong “unsolved.”
O hindi ba’t sa Sta. Mesa ang address ni Erap at ang Binondo ay nasa Maynila?!
What the fact!?
Paki-take note lang po Mayor Erap, kasi baka naman hindi totoo ‘yung report na nakararating sa inyo.
Pwede bang magrekorida kayo sa gabi kasi parang hindi totoo ‘yung 24-hour police patrol na sinasabi rin ninyo.
Ang nakikita lang natin ‘e ‘yung mga pulis na de-baril na nasa NPC Grounds na labis nating ipinagtataka. Ang pagkakaalam kasi ng inyong lingkod, ang NPC Grounds, ang kabuuang gusali at compound nito ay simbolo ng kalayaan at kapayapaan at hindi dapat mabahiran ng ano mang simbolo ng karahasan.
Bakit may pulis dito!? May bagong PCP na ba sa loob nito?
Pero sa Binondo area, wala po tayong nakikitang nagrerekoridang pulis lalo sa mga alanganing oras ng madaling araw. Meron ka man makita ‘e puro mga kolektong sa mga vendor.
Try mo lang kaya Mayor Erap mag-surprise visit, alam mo naman ‘yang mga in-charge sa public relations ninyo, parang mga ARKITEKTO…
Mahilig lang daw mag-drawing!?
(Hik hik hik)