OWWA airport staff walang ganang magtrabaho?
hataw tabloid
February 21, 2015
Bulabugin
MARAMING nakapapansin na parang MATAMLAY kumilos ang mga tauhan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) everytime na may mga repatriation move coming from strife-torn countries tulad ng Libya.
Ito ang puna ng airport-in-house media men ng premier airport sa bansa. Taliwas sa mga panahong ang nasabing government agency ay pinamumunuan pa nina former Administrator Wilhelm Soriano, Eli Gardiner at Carmelita Dimzon. Don’t get me wrong, pero ‘yun din ang puna ng maraming overseas Filipino workers (OFWs) sa pamunuan ng OWWA ngayon. Mabagal ang aksiyon, nakikiramdam sa maseselang isyu bago kumilos at kung ‘di pa umano tutukan ng media ang mga kaso ay ‘di kaagad-agad nabibigyang lunas? Ano ba ‘yan!?
Tulad nitong nakaraang Christmas season, dati ay may mga proyektong ipinatutupad na “Masayang Pagsalubong” pero ngayon ay wala na. Malungkot na pagsalubong na lamang ang bumungad sa mga tinaguriang “Modern Day Heroes.” Anyare!? No available funds ba? E Saan napupunta ang daang libong piso na kinokolekta sa departing OFWs ng OWWA!?
What the fact!?
Mukhang ‘di yata ganado sa kaniyang posisyon ang kasalukuyang OWWA chief na si Rebecca Calzado? Sa gobyerno naman walang pilitan ‘di ba? Baka mas mukhang inspired pa si Ma’am doon sa dating post niya sa Department of Labor and Employment (DoLE)]?
Hindi kaya Secretary-in-waiting si Ma’am Becca sa posisyong inookupa ngayon ni Kalihim Rosalinda Baldog ‘este Baldoz ng DoLE?
Tulad nitong nakaraang February 03, umuwi sa bansa ang may 26 OFWs mula Libya pero ni wala man lang nag-cover para iparating ang iba’t ibang sentimyento ng ating mga kababayang naipit sa gulong nangyayari sa nasabing lugar.
Sa Kuwait, just the same ay wala rin nag-cover para mailabas ng mga kababayan nating bigo sa kanilang pakikipagsapalaran kung ano ba talaga ang nangyari kung bakit nawindang ang kanilang kapalaran. Masipag lang ang mga tauhan ng OWWA sa Advocacy and Social Marketing Division (ASMD) sa pag-e-email ng praise ‘este press release at maganda rin naman ang hagod ng news ngunit parang wala rin epekto?
Bakit kaya OWWA Admin Calzado?