Si Uncle Peping na naman?! (Gustong patalsikin si PNoy)
hataw tabloid
February 19, 2015
Bulabugin
HINDI pa man ay naglalaglagan na ang mga puwersang nagnanais pabagsakin si President Benigno Aquino III.
Ang ibinunyag ni Senator Antonio “Sonny” Trillanes IV na si dating Defense Secretary Norberto Gonzales na utak umano ng destabilization plot ay itinuro naman ang tiyuhin ni PNoy na si Uncle Peping Cojuangco.
Pareho ng pagtangging ginawa sina Gonzales at Uncle Peping, totoong gusto raw nila na pababain si PNoy pero hindi sa pamamagitan ng kudeta kundi sa pamamagitan ng pagbubuo ng National Transition Council (NTC), 16 na buwan bago ang halalan sa 2016.
At hindi lang daw si PNoy kundi ang kanyang buong rehimen.
Gano’n!?
Ibig sabihin po ng rehimen ay kabuuan ng kanyang administrasyon, gabinete, military officers gayon din ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Kasama rin daw na pinabababa nila si Vice President Jejomar Binay.
‘E yan naman ang sinasabi natin sa mga puwersang gaya nito plus ilang personahe mula sa simbahang Katoliko na tinalo pa si Pope Francis sa pagsasalita kung ano ang tama at mali…
Tsk tsk tsk…
Ang problema ni Uncle Peping at ni Gonzales pareho silang walang kredibilidad para manawagan ng isang transition government lalo na kung ang supporter at financier nila ay mga negosyanteng mayroong vested interest sa bansa.
Kaya ang kuwestiyon kaagad, ano ang moral grounds nina Uncle Pe-ping at Gonzales para manawagan ng transition government at sino ang kanilang iuupo?!
Huwag sanang maging hangal sina Uncle Peping at Gonzales, higit sa lahat sila ang nakaaalam ng ‘game of the generals’ dahil ilang panahon din silang naging broker ng mga sangkot sa eskimang gaya nito.
Kung nagtatatalak ngayon sina Uncle Peping at Gonzales, ibig bang sabihin na nagtalusira sa pakinabang nila ang mga heneral na ka-deal nila?!
Sabi nga ‘e, ‘yun lang naman ang BOTTOMLINE diyan, ‘yung kapag nawala ang pakinabang.
Idagdag pa natin ang sinasabi ng matatanda… ang kudeta ay hindi pagmamahal sa bayan, kundi pagmamahal sa sikmura, puson at pundilyo ng mga nagtutulak nito.
‘Yun lang at wala nang iba pa!