Tuwid ba ang daan na kasama si Erap?
hataw tabloid
February 18, 2015
Opinion
MARAMING politiko at negosyanteng magkasabwat sa panggagahasa sa kaban ng bayan ang nagtatayo ng “shell company” upang magsilbing taguan ng kanilang dinambong na kuwarta.
Ang ibig sabihin ng shell company ay isang uri ng ‘di naman talaga lehitimong kompanya sa negosyo na gamit sa pagmamaniobra ng kuwarta o krimen ng mga sindikatong sangkot sa money laundering.
Naging pamoso ang pagtatayo ng shell company at nagsimula noong rehimen ni ousted president, convicted plunderer at “supreme cash” mayor Joseph “Erap” Estrada sa Malacañang na nabulgar sa mga inilathalang ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).
Gaya na lamang ng Boracay Mansion ni Erap na ipinakumpiska ng Sandiganbayan matapos mahatulan siyang guilty sa kasong pandarambong noong 2007.
Ayon sa PCIJ, ang Boracay Mansion na nakatirik sa 7,000-square meter na lote sa New Manila, Quezon City ay ibinigay na regalo kay Erap kapalit ng P2.8-B halaga ng kontrata sa Erap City na ipinagkaloob sa kaklase niyang contactor at politikong si Antonio “Anteva” Evangelista.
Si Anteva na naging konsehal at deputado sa Maynila ay kasosyo sa New San Jose Builders ni Jerry Acuzar, na bayaw ni Executive Secretary Paquito “Jojo” Ochoa Jr.
Ang Boracay mansion ay binili noong October 1, 1999 ng St. Peter Holdings Corp., na isang shell corporation na binuo naman ng De Borja Law Firm, alinsunod sa pakiusap ni Edward Serapio, founding partner ng law firm at undersecretary for political affairs noon ni Erap na ngayo’y Secretary to the Mayor sa Maynila.
Sa lakas ni Anteva at Acuzar kay Erap, maraming proyekto ang nasungkit ng kanilang kompanya noong rehimeng Estrada.
Hindi na tayo magugulat kung bakit ‘bagyo’ ngayon si Erap sa administrasyong Aquino dahil ang ‘little president’ na si Ochoa at bayaw nitong si Acuzar pala ang tulay ng sentensiyadong mandarambong sa Pangulo na ipinangangalandakang tayo raw ang kanyang boss at ‘di kuno ay galit daw sa korupsiyon.
PWE!!!
MVP, tinatalupan ng Kongreso
MARAMI ang umaasa na matutuldukan na sana ang labis na pagsasamantala ng pambansang dummy na si MVP sa walang humpay na pagtaas ng singil sa koryente ng kanyang Meralco, tubig ng Maynilad at electronic holdap ng kanyang telecommunications company na PLDT, Smart, Talk N Text at Sun.
Sa ikalawang hearing ng House Resolution 821 na inihain ng Akbayan Partylist ay sinisiyasat ang pagtupad ng Meralco sa terms and conditions ng prangkisa nito na nakasaad sa Republic Act. 9209.
Isinalang sa Kongreso si Kenneth Cardenas, researcher, PhD candidate, at expert sa mga mekanismo sa corporate control mula sa York University sa Canada.
Aniya, nagtayo ng shell companies sa Pilipinas si Anthoni Salim, ang Indonesian technocrat na amo ni MVP, para itago ang kanyang pagmamay-aring kompanya sa bansa para makaiwas sa batas na naglilimita sa foreign ownership.
Ibig sabihin, lahat ng kompanya kuno ni MVP, lalo na ang public utilities gaya ng Meralco, PLDT, Smart, Talk N Text, Sun at Maynilad ang dayuhang si Salim ang may-ari.
Ilang “shell companies”na pinondohan at kontrolado ni Salim at nagsisilbing prente si MVP, ang nagpapatakbo ng naturang public utility companies sa bansa, na labag o ipinagbabawal sa Saligang Batas.
Hindi na tayo nagugulat kung bakit ‘tumulong’ raw sa paggapang sa “Supreme Cash” si MVP para maibasura ang disqualification case laban kay Erap upang mahawi ang daan sa pagbabalik sa Palasyo sa 2016.
Huwag natin kalilimutan na si Erap ang tumulong kay MVP para makontrol ang PLDT kaya niya napasok ang public utility business, nang takutin si Alfonso Yuchengco para ibenta ang majority shares nito sa bata ni Salim.
Hindi rin natin nabubura sa ating isipan na si MVP ay co-accused ni Erap sa kasong plunder.
Sa tulong ng “Kuwarta Suprema” may tsansa na maging kalakaran sa bansa ang paglabag sa batas at pamamayagpag ng mga mandarambong na opisyal at abusadong mga negosyante.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])