Itago natin siya sa pangalang “White Lily.” Galing siya sa pamilyang nasa middle class. Ang kanyang mga magulang ay dating nakaririwasa sa buhay. Alahera ang kanyang Mommy Sally at may tindahan naman ng auto supply ang Daddy Louie niya. Pero sa pagbulusok ng ekonomiya sa buong bansa ay unti-unting nadamay ang kanilang kabuhayan. Humina ang benta ng alahas ng kanyang ina at nabangkarote ang negosyo ng kanyang ama.
Patapos na noon si Lily sa kursong MassCom sa isang unibersidad na sa pamumuno ng prppesor o propesora ay sinisimulan ang pag-uumpisa ng bawa’t klase pagdarasal. Hindi siya madasalin. Ni hindi nga niya kabisado ang “Ama Namin” at “Aba Ginoong Maria.”
Pero siya ay likas na may mabuting kalooban. At natural din ang angkin niyang kagandahan. Maputi at makinis ang kutis niya na parang labanos na ‘di produkto ng glutathione at lotion.
Luma na pero malaki ang bahay ng pamilya nina Lily na nakatirik sa gilid ng Ilog-Pasig na sakop ng Lungsod ng Maynila. Noong malinaw at malinis pa ang tubig ng kailugan ay tila ito isang pagkahaba-habang pampubkikong swimming pool ng mga dukhang naninirahan sa paligid-ligid niyon. Dito siya natuto at humusay sa paglangoy. Nahinto lamang ang madalas na paliligo niya rito nang magdalaga na siya. Kasi nga ay pinagpipistahan ng mga malisyosong mata ng mga kalalakihan ang kanyang mahubog na katawan sa nababasa niyang mga kasuotan.
Pagka-graduate niya ng Masscom ay mas pinili niyang magtrabaho sa print media kaysa broadcast media. Naging section editor siya ng isang kompanyang naglalathala ng magasin na pambabae. Pinamahalaan niya ang mga pahina na nauukol sa “Life Style.”
“Mahusay kang writer, anak… Malaki ang tsansa mong umasenso sa inyong kompanya,” pagbibigay ng suportang moral kay Lily ng kanyang Mommy Sally.
(Itutuloy)
ni REY ATALIA