Another one bites the dust (Ika-34 media man sa administrasyon ni Noynoy Aquino)
hataw tabloid
February 17, 2015
Bulabugin
MAHIGIT nang isang buwan (Enero 7) nang ratratin ng criminal-in-tandem ang mamamahayag na si Nerlie Tabuzo Ledesma ng Abante sa Bataan.
Si Nerlie ang itinuturing na unang casualty sa taon 2015 at ika-33 sa administrasyon ni PNoy… at hindi siya nag-iisa dahil nitong Sabado, araw ng mga puso, isang walang pusong kriminal ang pumaslang sa harap mismo ng DRYD-AM station sa Tagbilaran City, Bohol, sa radio broadcaster na si Engr. Maurito Lim.
Ang programang “Chairman Mao on Board” ni Engr. Lim ay umeere lamang tuwing araw ng Linggo at kung Sabado naman ang kanyang “Banikanhong Haranista.”
Mantakin ninyo, dalawang araw sa loob ng isang linggo lamang nagbobrodkast si Engr. Lim meron pang ‘napikon’ at tinamaan?!
Hindi pa umano naipipirmis ng mga imbestigador kung ano ang motibo sa pamamaslang kung ito ba ay may kaugnayan sa kanyang pagiging retiradong Napocor official, sa kanyang programa sa radio o sa kanyang negosyo.
Alin man sa tatlo ang motibo ng pamamaslang, ang ginawa ng kriminal ay masamang senyales o pananakot para sa mga mamamahayag dahil sa harap mismo ng estasyon ng radio itinumba si Engr. Lim.
Tahasang harassment ito sa hanay ng mga mamamahayag dahil kung ating lilimiin, ang bawat estasyon ng radyo at telebisyon o tanggapan ng ano mang diyaryo o magazine ay kinikilalang sumbungan o kanlungan ng mga naaagrabyadong mamamayan na hindi makahingi ng tulong sa mga awtoridad.
Kunsabagay, may kilala nga akong opisyal ng isang media organization na grabeng mang-BULLY ng kapwa mamamahayag.
Ang pagpaslang sa miyembro ng media sa mismong tanggapan o teritoryo nila ay tahasang paglapastangan sa kalayaan sa pamamahayag lalo na’t walang aksiyon ang awtoridad para sa ikadarakip ng mga pumaslang.
Higit na nakapangangamba kung hindi maaaresto ang mga pumaslang at iba pang kasangkot dahil maaari pa nila itong ulitin.
Hindi na tayo magtataka kung bago matapos ang termino ni PNoy ay umabot pa sa 44 ang mapaslang na mamamahayag sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Baka mas magtaka pa tayo kung tumigil na kay Engr. Lim ang pamamaslang at kung bago matapos ang termino ni PNoy ay biglang bulagain ni Justice Secretary Leila De Lima ang media para iharap ang mga suspek sa 34 na pamamaslang.
Ano sa palagay ninyo mga katoto?!