Iba ang ginagawa ni Binay sa sinasabi
hataw tabloid
February 16, 2015
Opinion
NAKAKITA ng masasakyan ang mga “kampon” ni VP Jejomar Binay na batikusin si PNoy upang mailihis ang atensiyon ng publiko sa nakasusulasok na katiwalian na kinasasangkutan ng Bise Presidente at kanyang pamilya.
Ang masama, ang kalunos-lunos na sinapit ng FALLEN 44 ang naging ticket nila para pagtakpan ang mga kabuktutan ng pamilya Binay na yumanig sa bansa bago mag-Pasko noong 2014.
Marami ang nagpapalutang ng Aquino resign at ilang kilos-protesta na ang inilunsad at ikakasa pa lang para isulong ang nasabing agenda.
Para hindi masyadong halata na ‘pakulo’ ito ng mga ‘kampon’ ni Binay, naglabas ng pahayag ang Bise-Presidente na hindi siya pabor sa panawagang magbitiw si PNoy kahit siya pa ang makikinabang sakaling mangyari ito.
Si Binay kasi ang maluluklok na kapalit ni PNoy sakaling mapatalsik sa puwesto, alinsunod sa Konstitusyon.
Sabi ni Binay, mas gugustuhin pa niya ang maghintay na lang sa 2016 elections, tutal naman daw ay tatakbo siyang president.
Kung talagang sinsero si Binay na kontra siya sa “Aquino resign” ng ilang grupo, bakit hindi siya manawagan na itigil ang panawagan?
Lalo’t base sa pahayag ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), isa sa mga pangkat na nagkakasa ng Aquino Resign, na ang irerekomanda nila na maging caretaker ng gobyerno ay isang Transition Council.
Sabi ng ACT, maaaring maging bahagi ng Transition Council si Binay nguni’t hindi raw papayagan na pangunahan ito upang matiyak ang “Check and Balance.”
Aba’y kung ang Transition Council na kursunada ng ACT na ipapalit kay PNoy ay “an extra-constitutional body” that will “evolve” out of the broad movement that will mobilize and push for Aquino’s removal from presidency,” ibig sabihin si Binay ay parte ng isang malawak na kilusan na nagmobilisa at naggigiit nang pagpapatalsik kay PNoy?
Paanong makukumbinse ang taong bayan sa kursunadang mangyari ng Aquino Resign groups kung ang gusto pala nillang maluklok sa poder ay mga opisyal at politiko na may mga kasong pandarambong?
Ito ba ang dahilan kung bakit nakabibingi ang katahimikan ng mga “militanteng grupo” sa mga isyu ng katiwalian na kinasasangkutan ni Binay at kanyang pamilya?
Tsk, tsk, tsk, kung ganito mag-isip ang mga guro, paano natin ipagkakatiwala sa kanila ang pagpapanday sa moralidad at karunungan ng ating mga anak?
Kambal na panloloko nina Erap at Binay
PAREHONG ‘sumakay’ sa isyu ng FALLEN 44 ang mag-BFF na sina Binay at ousted president, convicted plunderer at “supreme cash” mayor Erap Estrada.
Si Erap ay nagbigay raw ng tig-P100,000 abuloy sa bawat pamilyang naulila ng FALLEN 44 at tig-P50,000 naman sa bawat sugatan, pero galing ito sa kaban ng Maynila at hindi sa kanyang bulsa.
Si Binay naman ay ipinangalandakan pa ang pagkakaloob daw ng Pag-ibig Fund ng P20,000 cash benefits sa dalawang nasawing SAF commandos kahit na ito pala’y mula sa ibinayad na membership dues, dividends at death benefits nila bilang mga miyembro ng Pag-ibig Fund.
Kasama tayo sa pakikiramay sa mga naulilang pamilya ng FALLEN 44 pero nais natin silang payuhan na dumistansiya sa mga politiko at opisyal ng gobyerno na mantsado ng katiwalian ang pagsisilbi sa bayan.
Ginagamit lang silang deodorizer para pabanguhin ang nabubulok na imahe, at nagiging instrumento para pabagsakin ang isang lehitimong gobyerno at isulong ang kanilang personal na interes.
Sana’y hindi nila makalimutan na ang pagkamatay ng FALLEN 44 ay bilang pagtupad sa tungkulin na bigyan ng proteksyon ang mga mamamayan laban sa masasamang element ng lipunan.
At kung nagiging instrumento sila ng mga sakim at mapag-imbot na politiko at opisyal ng gobyerno, na sangkaterbang kasong kriminal ang sinabitan, ito’y malinaw na pagtalikod sa tungkulin ng tagapagpatupad ng batas, gaya ng FALLEN 44.
Sa gitna nang pagdadalamhati, hindi masama ang tumanggi, lalo na’t ito ang tamang gawin, na kung tawaging ay “propriety.”
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])