Nagbabala ang ilang medical authority na maging maingat sa panahong ito dahil hanggang ngayon ay hindi pa nailo-locate ang mahigit 100 pasahero ng SAUDIA FLIGHT 860 noong Pebrero 1, na kinalulunanan din ng 32-anyos Pinay nurse na natagpuang mayroong Middle East Respiratory Syndrome Corona Virus (MERS-CoV).
(Siguraduhin po ninyong nakasuot ng surgical mask lalo na kung pupunta sa matataong lugar gaya sa mall, playground, at iba pa).
Hindi umano na-detect ng scanners sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang pasyente dahil wala siyang mga sintomas nang dumating sa bansa.
Kinabukasan pa niya naramdaman ang nasabing mga sintomas kaya agad siyang nagpunta sa doktor. Sumailalim sa iba’t ibang uri ng laboratory test at ang unang resulta ay lumabas nitong Pebrero 9.
Pebrero 10 ay agad na siyang inilagak sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Gayon man hindi maisailalim sa ibang pagsusuri ang nasabing pasyente dahil natuklasan na siya pala ay nagdadalang-tao.
Ngayon po, para naman po sa kapakanan ng buong bansa, seguridad ng kalusugan naman po ang pinag-uusapan dito, MAGKUSA na po ‘yung mga nakasabay na pasahero sa SAUDIA flight 860 na magpunta sa pinakamalapit na medical facility sa inyong lugar para matiyak ninyo na hindi kayo nahawa ng virus.
Kaysa naman buong pamilya pa ninyo ang maapektohan.
Inuulit ko po, siguraduhing nakasuot ng surgical mask kung kayo ay magpupunta sa matataong lugar lalo na’t hindi pa nagkakaroon ng clearance ang mahigit sa 100 pasahero ng nabanggit na flight.
Ingat, ingat po.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com