PNoy, Binay at Erap magkakasabwat ba sa PAG-IBIG deal?
hataw tabloid
February 13, 2015
Opinion
KAISA tayo sa nagha-hangad na malaman ang katotohanan sa likod ng brutal na pagpatay sa FALLEN 44.
Nguni’t hindi dapat mabaon sa limot ang mga umalingasaw at mabubulgar pa lang na mga anomalya sa gob-yerno, gaya nang ginawa ng Senado kay Vice President Jejomar Binay.
Huling isinalang sa Senate Blue Ribbon Sub-Committee si president at CEO Darlene Berbe-rabe bunsod nang pagsisiyasat sa umano’y maanomalyang transaksyon ng PAG-IBIG Fund at Boy Scouts of the Philippines (BSP) na nasa pangangasiwa ni Binay.
Inamin ni Berberabe na ang tanggapan ng Pag-ibig Fund mula noong 2010 sa JELP Building sa Shaw Blvd., Mandaluyong City ay pagmamay-ari ni ousted president at convicted plunderer Joseph ‘Erap” Estrada, na kaalyado ni Binay.
Isang masugid nating tagasubaybay ang nagbigay sa atin ng impormasyon na hindi pa nabanggit sa Senate hearing na ang JELP building at EMAR Suites ay nakatayo sa lupain na idineklarang “special economic zone” ni Pangulong Benigno Aquino III alinsunod sa nilagdaan na Proclamation 143 noong Abril 6,2011.
Kung idineklara sa Proclamation 143 na ang ari-arian ni Erap ay isang information technology center, bakit ipinaupa pa rin ang gusali sa Pag-ibig Fund na isang ahensiya ng pamahalaan at hindi naman sangkot sa information technology business?
Kabilang ba sa mga tinatamasang pribelehiyo ng ari-ariang ito ni Erap ang malaking kabawasan sa pagbabayad ng buwis dahil deklarado itong special economic zone?
Pinahihintulutan ba ng batas na pumasok sa kontrata ang ahensiya ng gobyerno sa pamilya ng politiko na mga opisyal ng pamahalaan?
Ang Republic Act 7916 ang nagtatadhana ng legal framework at mekanismo sa pagbuo at operasyon ng special economic zone.
Base sa Section 15 ng RA 7916, bawat ecozone ay dapat inorganisa, pinamamahalaan, at pinatatakbo ng ECOZONE Executive Committee at sa Section 18 naman ay ipinagbabawal na bigyan ng special privilege para makagamit ng area ang alinmang ahensiya ng pamahalaan, kasama na ang government-owned and controlled corporation (GOCC).
Kung umuupa ang Pag-ibig Fund sa JELP Building at naglalakihan ang mga karatula sa gusali na ibinebenta ang condo units dito, ibig sabihin, real estate business ito at hindi information technology business kaya’t taliwas ito sa kanyang pagiging special economic zone.
Alam kaya ito ni Executive Secretary Paquito Ochoa na isa sa mga pumirma sa Proclamation 143, at law partner ni Atty. Edward Serapio na Secretary to the Mayor ni Erap sa Maynila?
Batid kaya ni Binay na special economic zone ang kinalalagyan ng tanggapan ng Pag-ibig Fund na gusali ng kanyang BFF Erap?
Bakit sa dinami-rami ng mga gusali sa buong Metro Manila ang JELP Building pa ni Erap ang idineklarang ecozone ni PNoy?
Ito kaya’y manipestasyon na mula day one ng administrasyong Aquino ay sanggang dikit sina PNoy, Binay at Erap?
Maniniwala pa ba tayo na si Mar Roxas pa rin ang ii-endoso ni PNoy na manok sa 2016 presidential elections?
Ibasura ang BBL
LUMAGANAP sa social media ang ilang vi-deo na nagpapakita kung gaano kabrutal na pinaslang ang FALLEN 44.
Hindi sapat na kinondena ito ng mga politiko at publiko dahil malinaw na batayan ito kung bakit dapat tuldukan ang Bangsamoro Basic Law na magbibigay ng sangkaterbang kapangyarihan sa mga “kumatay” sa FALLEN 44.
Dapat itigil ng gobyerno ang pagsusulong na maipasa ang BBL at panagutin ang MILF at BIFF na walang awang pinaslang ang FALLEN 44.
Malinaw na ang layunin nang pag-upload ng brutal na video sa social media ay upang umakit ng suporta mula sa ilang international terror groups, gaya ng Islamic State of Syria and Iraq (ISIS) na bisyo rin na isapubliko ang video kung paano nila patayin ang kanilang bihag.
Kung bulag pa rin ang Palasyo sa nagning-ning na katohahanan sa kung anong klaseng mga tao ang nakikipag-negosasyon sa estado ng kapayapaan, posibleng may maluwag na sa kanilang kukote.
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])