HINDI rin nagpahuli sa pagsasabing crush niya si Liza Soberano ang baguhang si Anthony Amoncio o Chef Anton sa karamihan. Kung mahilig kayong kumain at mag-restaurant hunting tiyak nakakain na kayo sa kanyang restoran, ang Antojos na dating matatagpuan sa San Juan.
Bagamat bata pa’y gusto nang mag-artista, kinailangan munang magtapos ng pag-aaral ni Chef Anton base na rin sa kasunduan nila ng kanyang magulang. “Nakita kasi nila ‘yung application ko noon sa ‘Starstruck’ (bale ka-batch sana niya si Aljur Abrenica) kaya ayun hindi natuloy ang pagpasok ko sa showbiz,” pagkukuwento ni Anthon sa isang intimate lunch tsikahan kasama ang kanyang manager na si Dominic Rea.
Kaya naman tinapos muna ni Anton ang pag-aaral. Nagtapos siya sa Saint Benilde at pagkaraan ay kumuha ng culinary sa Center for Culinary Arts. Nagtayo ng restoran, ang Antojos (na matatagpuan ang bagong sangay sa may Banaue, Quezon City) at ngayo’y itutuloy ang matagal nang pangarap, ang pag-aartista at pagkanta.
Natanong si Anton sakaling ipagluluto niya si Liza, ano kayang pagkain ang iluluto niya rito at bakit? “Ipatitikim ko sa kanya ang specialty ko, ang Strawberry Beef Tapa. Since madalas siya sa La Presa (roon nagti-tapang Forevermore), tamang-tama na maraming strawberry doon.”
Nais naman niyang maka-duet (since mahilig siyang kumanta) sina Lea Salonga at Sarah Geronimo. “Si Sarah kasi sobrang bait at magaling. Madalas din akong manood ng movies niya.”
Umaasa si Chef Anton na mabibigyan siya ng pagkakataon para maipakita ang talent niya sa acting (since hindi na siya bago sa pag-arte dahil sumailalim na siya sa Star Magic Acting Workshop at miyembro ng Trumpets) gayundin sa pagkanta. “Pero kung bibigyan nila ako ng show tungkol sa pagluluto, okey din po sa akin.”
ni Maricris Vadez Nicasio