Babala: Mag-ingat sa mga nanghaharang na Le Ondell Ent. Sales agents sa mga mall! (Attn: DTI)
hataw tabloid
February 9, 2015
Bulabugin
MARAMI na po tayong nababalitaan na ganitong malasadong estilo ng pagbebenta sa mga mall ng kung ano-anong klaseng kitchen/appliance items.
Ganito ang modus operandi na ang huling nabiktima ay isang kaanak ng Bulabugin.
Diyan sa CW Home Depot sa kanto ng Macapagal Blvd., at Senator Gil Puyat (Buendia) Extension naganap ang estilong holdap ng mga sales agent ng Le’ Ondell Enterprise.
Ang estilo, haharangin ang prospect (biktima) mag-aabot ng flyer at sasabihing libre iyong item, kunin lang sa office nila.
Dahil naniniwalang libre, pumunta naman ‘yung kaanak natin sa opisinang itinuturo ng sales agent para lamang matuklasan na kukuyugin pala siya roon ng iba pang sales agent at aalukin ng kung ano-anong produkto nila.
‘Yun bang tipong mapapatulala ka na lang at magiging sunud-sunuran sa kanila, sa kaiisip na… “Nakakahiya naman baka isipin nila wala akong pera kaya ‘yung libreng item lang ang gusto ko.”
Kaya nang hingan ng identification card ‘yung kaanak natin nag-abot naman. Kumbaga naipagkatiwala niya agad ang mga importanteng impormasyon sa buhay niya.
Sumunod na hiningi sa kanya, credit card naman. ‘Yun ibinigay naman niya. Noong nakikita niyang isina-swipe ‘yung card niya, gusto niyang tumutol pero hindi niya masabi.
Parang na-hypnotized nga raw siya!
Hanggang makauwi na siya.
Nang makauwi na, tiningnan niya ‘yung mga napamili niya at ang resibo. Umabot nang mahigit sa P67,000 ‘yung nasa resibo.
Grabe!
Noon niya nakita na ang mga pinagbibibili niya ay mga items na mayroon na siya sa napakamahal na halaga gaya ng induction cooker, cookware set, air fryer, pressure cooker, at television set.
Hindi talaga makapaniwala ‘yung kaanak natin na napabili siya ng mga nasabing items.
Kinabukasan ay bumalik siya. Pero hindi na niya maisoli ang mga item at ang matindi pa nabola at pinapirma pa siya sa amicable settlement.
Ano ba ‘yun?!
Para saan ‘yung amicable settlement?! Parang handang-handa na sila sa gagawin nila kapag nalaman nilang nahimasmasan na ‘yung biktima nila at na-realize na ‘naloko’ siya.
Hanggang ngayon ay nag-iisip pa ‘yung kaanak natin kung ano ang pwede niyang gawin laban sa mga tao o establisyementong gaya nito.
Pero ang BABALA po natin sa ating mga kababayan lalo na ‘yung mga suki ng Bulabugin, mag-ingat po kayo sa mga ganitong transaksiyon sa mga MALL. Marami po ang mga ganyan.
Huwag na huwag po kayong pabibiktima.
‘Yun lang po.