Dalawang IOs at tatlong CAs sumabit sa pag-iisyu ng mission order
hataw tabloid
February 8, 2015
Bulabugin
ANO na kaya ang nangyari sa mga kasong kidnapping, extortion at robbery na inihain laban sa limang (5) operatiba ng Bureau of Immigration (BI) na nasangkot sa isang illegal raid sa isang condominium sa Makati City?
Umaksiyon na ba si Immigration Commissioner Siegfred Mison laban sa pag-abuso nina immigration officers Steve Parcon, Ma. Irene Arsenia Bello, Faizal Macabuat, Eulalio Padua at Emir Anton Borlongan sa paggamit ng Mission Order na espesikpikong nakapangalan sa isang tao pero ginamit nila sa ibang tao?
Pwede na palang ipamalengke ang mission order ni Mison!?
Tinutukoy po natin ang insidente sa The Beacon Towers sa Makati City nitong nakaraang Kapaskuhan.
Ang subject sa dala nilang Mission Order ay isang Wang Dafeng, 37, pero hindi ito naisilbi sa tamang tao, sa halip ginamit ito sa dalawang Chinese women na kinilalang sina Huang Lei and Danni Lin.
What the fact!?
Sa ulat, si Lin ay may working visa pero si Lei na may 59-day visa ay napaso na at iniutos nang ipa-deport.
Ang nasabing operasyon ay tipped-off daw. Mayroon daw mga illegal Chinese nationals sa nasabing area na sangkot sa online gaming.
Matapos ang kanilang meeting sa Domino’s Pizza Restaurant sa kanto ng Chino Roces at Herrera streets, nakipag-ugnayan umano ang BI operatives sa Makati police saka sila pumunta sa The Beacon Residences.
Nakausap nila rito ang administrative manager na si Engr. Atienza, na inilinaw sa kanila na ang unit UP107 ay okupado ng isang nag-iisang Pinoy pero nang inspeksiyonin isang Chinese national ang nagbukas ng nasabing unit.
Pero wala rin ang hinahanap nilang Wang Dafeng. Natagpuan sa loob ng condo unit ang 10 laptops saka inaresto na rin ang dalawang Chinese nationals. Dinala sila sa BI Detention Center in Bicutan.
Ang ‘sapantaha’ o ‘haka-haka’ ng Immigration officials, ang nasabing Chinese nationals ay sangkot sa online gaming activity pero hindi pa umano nila nabeberipika dahil ang mga laptop na nakuha ay Chinese characters.
Mantakin ninyo, hindi pa nabeberipika, hinuli at ikinulong agad?!
SONABAGAN!
Wala na bang human rights ang mga dayuhan sa Pinas lalo na kung mga Chinese nationals na naitsutso ng mga ‘asset’ kuno?!
Anyway, mabuti naman at hindi kasing eng-eng ng grupo nina Bellot ‘este Bello ang BI Legal Division kaya agad inirekomenda ni Special Prosecutor Jing Balina ang pagpapalaya kay Lin na inaprubahan naman ni Acting Chief of the Legal Division Cris M. Villalobos.
Sa rekomendasyon ni SP Balina, sinabi niyang walang malinaw na ebidensiya na si Lin ay sangkot sa illegal online gambling activitiy bukod pa na siya mayroong valid work visa, kaya siya ay pinalaya agad.
Ang tanong: ano ang aksiyon ni Mison laban sa mga abusado niyang immigration officers na akala yata ‘e ‘gift check’
‘yung mission order na pwedeng transferrable?!
Hindi kaya ilang beses nang ginagawa na ang paggamit sa mission order na parang stray bullet sa indiscriminate firing?!
May dalawang issue rin ang nakabalot sa insidenteng ito. Una, matapos isinagawa ang pag-raid ay binalikan daw ang condo unit at ineskoba ang mga gamit sa loob ng condo. Pangalawa, nagkabigayan daw ng P7 milyon kaya nakawala ang subject sa mission order.
Pinaimbestigahan mo na ba ‘yan Comm. Mison? Sinibak mo na agad ‘yun 3 CA ‘e wala naman talagang accountability ang mga ‘yan! At higit sa lahat mananatili pa rin ba si Bello sa bureau kapag napatunayan na may pagkakamali siyang nagawa?!
Ano nga ulit ‘yung paboritong linya mo Commissioner Fred, “bad guys out good guys in?”
Pakisagot na nga, Commissioner!