Hamon ni Ret. Gen. Boogie Mendoza
hataw tabloid
February 7, 2015
Bulabugin
Kahapon, sa media forum na Balitaan sa Rembrandt, sinabi ni ret. Gen. Boogie Mendoza dating Deputy Chief ng DIDM ng PNP na ang talagang bilang ng nasawi sa Mamasapano Maguindanao ay 49 katao at 44 dito ay PNP-SAF.
Hindi pa kasama sa bilang na ‘yan ang mga nasa kabilang panig.
Ang bilang na ito ay ipinadala umano bilang official SMS message sa operational command.
Ang tanong n’ya: Kung 49 katao nga ang nasawi, sino-sino ‘yun sobrang lima? O kanino kabilang ang 5 napatay sa bakbakan sa Mamasapano?
Walang duda sa mga ebidensiya na nakita sa video na ang mga Amerikano ay naroon agad at tumulong sa paghahakot ng mga bangkay ng mga napaslang na PNP-SAF members.
Kaya napakalaking katanungan na hanggang ngayon ay ayaw aminin ng FBI, Malakanyang at ilang mga opisyales, na involve sa operation ang US sa paghuli kay Marwan at Usman.
Ang pinakamadaling solusyon diyan ayon kay ret. Gen. Boogie Mendoza ay kunin ang mga celfon number nina Presidente Noynoy Aquino, Gen. Alan Purisima, Executive Secretary Ochoa at SAF Director Napenas, at ipaberipika sa telecommunication providers at National Telecommunication Commission (NTC) upang malaman ang mga oras ng pag-uusap nila sa operation na ‘to.
May info kasi si Gen. Boogie na umuusok umano ang cellphone ni Gen. Purisima noong kasalukuyang nagbabakbakan na sa Mamasapano ang SAF laban sa BIFF at MILF.
Ito raw ang pinakasusi sa lahat ng katanungan kung sino ba talaga ang kumukumpas ng baton sa operasyong isinagawa ng SAF sa pagtugis kay Zulkifti bin Hir alias Marwan .
Si Presidente Aquino ba? Si Purisima? Si Napenas o Si Ochoa? O ang Amerika?