Noong nanliligaw pa lamang si Pol kay Babes ay para siyang isang maamong tupa sa kabaitan. At tulad din niya ang kalabaw ng mga magbubukid sa kasipagan. Kaya naman maging ang mga magulang nito ay boto sa kanya.
Pero nang maging mag-asawa na sila ni Babes ay malaki ang ipinagbago ng pagkatao niya. Naging hari siya ng katamaran. Alergik na nga sa trabaho ay nakukuha pa niyang magbisyo ng alak at sugal. Kadalasan tuloy ay “demonyo ka” at “hayup ka!” ang luma-labas sa bibig ng asawa tuwing magagalit sa kanya.
“’Asan na ang mga pangako mo nu’ng nililigawan mo pa lang ako? Wala kang ipinagkaiba sa maraming politiko na hanggang pangako lang…Pangakong napapako!” ang panunumbat kay Pol ng misis niya.
Kundi matiyaga at madiskarte sa buhay ang asawa niyang si Babes ay malamang mamatay sila nang dilat ang mga mata sa gutom. Baka nga ni hindi nila napag-aral ang kanilang kaisa-isang anak na lalaki na mag-aanim-na-taong gulang na. Maghapong nagtitinda ng sari-saring ulam at meryenda ang misis niya upang maitaguyod sa araw-araw ang kanilang pamilya. At siya naman, ang padre de-pamilya, kundi nakikipagtagayan sa kanto ay naroroon sa sugalan — sa off track ng karerahan.
“Demonyo ka, pati sa kaisa-isa nating anak ay wala ka nang oras dahil puro ka bisyo,” pagtutungayaw ni Babes kay Pol.
“Sige, para manahimik ka… bihisan mo si Junior para maipasyal ko.” aniya sa asawa.
“Himala?!” bulalas nito na ‘di makapaniwala. “At saan naman kayo mamamasyal ng anak natin?”
“Sa Manila Zoo…”
Maagang umalis ng bahay si Pol kasama ang anak na si Junior. Gabi na nang umuwi silang mag-ama. At nakisabay sa kanila si Babes sa pagkain ng hapunan.
“Anak, nagustuhan mo ba ang pinunta-han n’yo ng tatay mo?”
“Opo, Inay…”
“Masaya ka ba, anak?”
“Opo, Inay… Ang saya-saya du’n…”
“Marami ka bang nakitang iba’t ibang uri ng hayop, anak?”
Napatitig kay Babes ang anak.
“Puro kabayo lang po, ‘Nay… Mga kabayong may mga numero na nagkakarera sa pagtakbo!”
Nabilaukan tuloy si Pol ng isinubo ni-yang pagkain. Ulk!
ni REY ATALIA