Thursday , December 26 2024

Ang pasaring ni PNoy

00 firing line robert roqueILANG ulit na natin narinig si President Aquino na pinasasaringan ang mga opisyal at ahensiya ng gobyerno na sa tingin niya ay nakagawa ng mali o pumalpak sa kanilang mga desisyon.

Isa sa mga nakatanggap na mabigat na pagpuna noon ni PNoy ay si dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona, na sumailalim sa impeachment proceedings hanggang tuluyang mapatalsik sa puwesto.

Binatikos ng Pangulo ang “midnight appointment” sa kanya ni dating President Gloria Arroyo na naging daan para mapuwesto bilang Punong Mahistrado, at pagkontrol umano sa timbangan ng katarungan at mga desisyon ng Korte Suprema.

Pinuna ni Aquino ang Supreme Court nang ilang ulit, lalo na nang ideklarang “unconstitutional” ang kanyang Development Acceleration Program (DAP), kung saan inililipat ang hindi nagamit na pondo ng isang programa sa ibang proyekto nang walang pahintulot ng Kongreso.

Kahit sa pagbibigay ni President Aquino ng taunang “State of the Nation Address (SONA)” na dapat tumalakay sa mga tagumpay ng gobyerno sa nakalipas na taon, ay hindi rin niya naiwasan ang pagbatikos at pagsisi sa mga opisyal ng gobyerno na konektado sa nakalipas na administrasyon.

At noong Biyernes, sa harap mismo ng panauhing si Pope Francis, pinuri ng Pangulo ang mga pinuno ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas na kumilos laban sa diktadurya, pero binatikos naman niya ang mga opisyal nito na patuloy na nanahimik sa panahon ng administrasyong Aquino.

Ang akala raw ng ibang pari ngayon ay ang paghanap ng bagay na mapupuna ang daan para maging tapat sa pananampalataya, kaya ang isa sa mga ito ay pinuna ang kanyang buhok na para bang ito ay “mortal sin.”

Maliwanag na ang tinukoy naman dito ng Pangulo ay ang ginawang pagpuna ni Bishop Ramon Arguelles noong 2012 sa pagiging kalbo ni Aquino, kaya dapat umano itong magsuot ng peluka.

Hindi rin naman lihim ang hindi pagkakasundo ng Pangulo at ng Simbahang Katoliko sa ilang isyu, tulad ng isinusulong na “Reproductive Health Bill” na nagpapahintulot sa mga pampublikong health center na mamigay ng condom, birth control pills, at pagtuturo ng sex education sa mga paaralan.

May mga hindi sumasang-ayon sa mga hindi inaasahang pagbatikos na ginagawa ni President Aquino, na nagmumukha na parang wala sa lugar.

Sa panahon na bisita natin ang kapita-pitagang Santo Papa na pinuno ng Simbahang Katoliko sa buong mundo, tama raw ba na bumanat pa rin si President Aquino at ilantad ang sama ng loob niya sa mga pari sa bansa?

May tamang oras at tamang lugar ang lahat. Oo nga’t may karapatan tayong magpahayag ng ating saloobin. Pero may mga pumupuna na sana ay hindi ito makasasakit ng damdamin ng iba, lalo na ng 80 porsyento ng mga Pilipino na pawang Katoliko, sa panahon na nababalot sila ng kaligayahan sa presensya ni Pope Francis sa ating bansa.

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About hataw tabloid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *