Repair ng footbridge sa Brgy. Sto. Niño, Parañaque City tunay na perhuwisyong bayan!
hataw tabloid
January 13, 2015
Bulabugin
AKALA ng mga taga-Paranaque mababawasan na ang nararamdaman nilang stress tuwing mapapadaan sila diyan sa Sucat Road mula Multinational Village hanggang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Tapos na raw kasi ang ginagawang repair sa nabanggang Sto. Nino Footbridge noong nakaraang taon kaya inisip nilang giginhawa na ang traffic sa Sucat Road.
Pero mali na naman pala ang kanilang akala, kasi ‘yung tagal nang panahon na iniukol sa pagre-repair ay isang panel lang pala ‘yun. Kaya ngayon ang inire-repair naman kuno ay ‘yung kabilang parte ng footbridge.
As usual, dumaraan na naman sa isang ‘stressful’ na karanasan ang mga motorista, commuters at negosyante na dumaraan sa rutang ‘yan.
Tuloy-tuloy pa rin ang mahabang oras na sila ay mai-stuck sa traffic dahil sa barrier na inilagay sa kalsada dahil umano sa ginagawang repair.
Sonabagan!!!
Halos tatlong buwan nang ginagawa ang footbridge na ‘yan pero hindi pa rin matapos- tapos!
Hindi tayo tutol sa isinasagawang repair kung may nakikita tayong taong gumagawa. Gusto lang natin maging sistematiko ang ginagawa nila para hindi makaabala nang husto sa mga tao at sa komersiyo.
‘Yan dapat ang unang naging konsiderasyon ni Paranaque Mayor Edwin Olivarez. Dapat naisip niya na ang rutang apektado ay dinaraanan ng mga taong nagtatrabaho at ng mga truck na naghahatid ng produkto sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Malaking kawalan sa ekonomiya ng mga taga-Paranaque sa partikular at sa buong bansa sa kabuuan ang traffic jam na nililikha ng isang repair job na hindi pinag-isipan kung gaano kabilis matatapos at kung paanong hindi masyadong makaaabala sa daloy ng mga sasakyan.
Aba noong administrasyon ni Mayor Jun Bernabe, hindi tumatagal ang ganyang trabaho!
Kaya nga laging itinatanong ng mga taga-Paranaque kung dumaraan ba si Mayor Edwin Olivarez sa lugar na ‘yan at parang hindi niya nararamdaman ang hinaing at kunsumisyon ng kanyang constituents?!
Taga-Paranaque ka pa ba talaga, Mayor Edwin Olivarez?
Kung talagang hindi ka naman dumaraan sa bahaging ‘yan ng Paranaque kahit ang PIO mo na si Eva Nono ‘e paraanin mo riyan para naman mai-relay niya sa iyo kung ano ang damdamin ng nabubuwisit na mga mamamayan.
Tiyak maiintindihan mo Mayor kung bakit ang tawag ng mga taga-Paranaque d’yan ay PERHUWISYONG TUNAY hindi SERBISYONG BAYAN.
‘Yun lang ho!