May gustong magpahamak kay Sen. Grace Poe
hataw tabloid
January 9, 2015
Opinion
MARAMING nang-uurot kay Senadora Grace Poe na tumakbo sa presidential elections sa Mayo 1016. Ano man ang kanilang mga motibo, waring itinutulak nila sa malalim na banging pampolitika ang anak ng yumaong si FPJ na nasa unang termino pa lamang sa Senado.
Pero nag-iisip si Sen. Poe, mas may pagninilay-nilay kaysa mga nang-uurot na gusto siyang patakbuhin sa pinakamataas na posisyon sa bansa. Minsan, nabanggit niya na maraming kasama ang kanyang ama nang tumakbong pangulo laban kay dating presidente at kongresista ngayon na si GMA noong 2004. Pero nang matalo si FPJ, nakita ni Grace ang labis na kalungkutan ng kanyang ama dahil mabilis itong nawalan ng mga “inaakalang” kaibigan.
May “K” si Sen. Poe na tumakbo sa halalang pampanguluhan pero hindi sa 2016 dahil ramdam niyang “hilaw” pa siya sa pinasok na bagong larangan. Mahirap pumatol sa mga resulta ng survey at lalong dapat timbanging mabuti kung sino ang mga nagpapa-survey. Naging bahagi ako ng dalawang huling halalang pampanguluhan at batay sa aking karanasan, may mga nagpapakana upang imaniobra ang resulta ng mga survey. Lagi ngang pinupulot sa kangkungan ang mga nangunguna sa survey at realidad iyan sa politika na hindi maaaring tawaran.
Isa pa, napakaraming hunyango sa politika kaya tiyak na masasaktan si Sen. Grace kapag nagpagoyo at nagpayoyo siya sa mga trapo o tradisyonal na politiko. Magandang halimbawa ang mga nag-research at lumikha ng mga black propaganda laban kay Vice President Jejomar Binay noong 2010 sa ilalim ng isang Master Sergeant Jimmy. Ang lahat ng litrato, preparasyon at CDs na ginamit laban kay Binay lalo sa Makati City ay ginawa ng “Tatlong Itlog” na isang dating PMAer, isang abogado at isang mula sa malaking angkan sa Batangas.
Ang kakatwa at katawa-tawa, kinuha ngayon ng kampo ni VP Binay ang “Tatlong Itlog” na matagal nang namumunini sa kanilang mga raket sa Bureau of Customs. Hindi ako magtataka na pagkaraan lamang ng ilang buwan ay may mas malalaking “bomba” na sasabog sa mukha ni Binay.
Kaya kung ako si Sen. Grace Poe, hahanap akong katulad ng dating kanang kamay ni Binay na tubong Cavite na si Lito Glean. Barako, tapat at maayos na kausap si Glean. Kung hindi siya ipinapatay ng isang trapo, malaki sana ang maitutulong niya sa resulta ng nalalapit na halalang pampanguluhan. Tsk. Tsk. Tsk.