Angeles City Mayor next target naman ni “Leon Guerrero”
hataw tabloid
January 9, 2015
Opinion
TILA naging kultura na ang “pakapalan ng mukha” ng mga opisyal ng gobyerno sa ating bansa.
Kahit tambak ang kinasangkutang kaso o eskandalo sa korupsiyon, sila pa ang malalakas ang loob na ayaw umalis at lumayas sa poder ng kapangyarihan.
Gaya na lang ni Senator Manuel “Lito” Lapid, nagdeklara siya na kakandidatong mayor ng Angeles City dahil ang kanyang termino bilang senador ay matatapos na sa 2016.
Para mabahiran ng “legalidad” ang kanyang ambisyon, bumili muna ng mansiyon “Leon Guerrero” na nagkakahalaga ng P16-M upang palabasin na residente at botante siya ng Angeles.
‘Singkapal na yata ng adobe ang pagmumukha ng senador na wala namang maipagmamalaking nagawang mabuti sa bansa, lalo na sa Pampanga na ilang taon nilang hinawakan ng kanyang pamilya, pero ayaw pa rin tumigil.
Akala yata niya, may amnesia ang mga taga-Angeles City at nakalimutan na ang kanyang misis na si Marissa ay convicted criminal sa Amerika dahil sa pagpuslit ng daan-daan libong dolyares at itinatagong mga ari-arian sa Las Vegas, Nevada.
Walong graft cases ang nakasampa sa Ombudsman laban sa kanya mula nang mahalal siyang gobernador ng Pampanga at dalawa ang sumampa sa Sandiganbayan, kasama na ang may kaugnayan sa P728-M fertilizer fund scam.
Isinabit din siya ni pork barrel scam witness Benhur Luy bilang isa sa mga kasabwat ni Janet Lim-Napoles.
Ipinambili kasi niya ang P5 milyon halaga ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2011 ng anti-dengue inoculants sa Polillo, Quezon, kahit wala naman naitalang kaso sa lugar.
Kailan kaya matitigil ang kahangalan ng mga bobotanteng Pinoy na inihahalal ang mga tulad niyang inutil at walang silbi?
Hatol kay Celdran kinatigan ng CA
MAKATITIKIM ng buhay-preso si Carlos Celdran, ang tour guide at Tourism consultant ni ousted president, convicted plunderer at “de facto mayor” Joseph “Erap” Estrada.
Kinatigan ng Court of Appeals (CA) kamakalawa ang naging sentensiya kay Celdran ni Judge Juan Bermejo Jr., ng Manila Metropolitan Trial Court Branch 4 na pagkabilanggo nang mula dalawang buwan hanggang 21 araw, at 13 buwan hanggang 11 araw dahil sa pag-eskandalo sa loob ng Manila Cathedral noong 2010.
Ang kaso’y nag-ugat sa reklamong paglabag sa Article 133 na isinampa ni Monsignor Nestor Cerbo ng Manila Cathedral laban kay Celdran na nagpaparusa sa sino mang nanggulo sa lugar na itinakda para sa pananampalataya at nakasakit ng damdamin sa mga deboto.
Magugunita na habang nagmimisa sa loob ng Manila Cathedral ay pinagsisigawan at nilapastangan ni Celdran ang mga pari na tigilan ang pakikialam sa gobyerno, sabay taas ng karatulang may nakasulat na “Damaso.”
Ang akala yata ni Cedran, gaya ng amo niyang si Erap, ay mas mataas sila sa batas kaya’t kahit anong gawin nilang kabulastugan ay uubra sa isang sibilisadong lipunan.
Presong si Peter Co may PR man sa media
HINDI lang sa mga karumal-dumal na krimen, gaya ng drug at gun trafficking, eksperto si convicted drug lord Wu Tuan Yuan alyas Peter Co, magaling din siyang manuhol ng mga taga-media.
Balita natin, bago sumabog ang mga kawalanghiyaan ni Co sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) ay nagpakawala siya ng malaking halaga sa ilang taga-media para banatan ang ilang opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) na hindi niya kayang lagyan.
Hindi kinagat ng matitinong taga-media ang pakana ni Co at ng kanyang inupahang PR man cum middleman, dahil alam na mabuting opisyal ang gusto nilang siraan.
Dati nang ipinatapon si Co sa Leyte penal colony noong 2003 para masawata ang kanyang illegal na operasyon sa NBP pero makalipas ang tatlong taon at sa magkano, este, hindi malamang dahilan ay nagpasya ang isang hukom na ibalik siya sa Muntinlupa.
Iba talaga ang impluwensiya ng pera, kaya ngayong lumaki na’ng husto ang sindikato ni Co ay hirap na ang awtoridad na baliin ang kanyang pakpak.
Kung ganito kalawanghiya ang sentensyadong kriminal, hindi siguro kalabisan kung bibigyan ng ka-buddy si Satanas sa impiyerno.
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]