HINDI natin hinahangad na maranasan ni Social Welfare and Development Secretary Donkey ‘este Dinky Soliman ang matulog sa bangketa o ‘yung walang masulingan at masilungan habang hinahampas ng malakas na hangin at ulan…
Pero kung hindi niya maipaliliwanag kung saan napunta ang P2.57-bilyon ‘e pwede bang ang maging parusa sa kanya ‘e ‘yung ilagay natin siya sa gitna ng rumaragasang tubig sa Marikina River o kaya hayaan natin siyang lumangoy-langoy sa gitna ng Sibuyan sea?!
Mantakin ninyong ‘yang pondong ‘yan ‘e kasama pa ‘yung mga biktima ng Sendong noong 2011 sa Cagayan de Oro at mga biktima ng Pablo noong 2012.
Dinaluyong na ni Yolanda ang Tacloban, Leyte; Busuanga at Coron sa Palawan; Capiz, Iloilo at ilan pang bayan sa Panay Island; at mga bayan at probinsiya sa Eastern Visayas gaya ng Eastern Samar pero hindi pa rin pala naitatayo ang mga housing project para sa mga biktima nina Sendong at Pablo.
Wala naman tayong masamang tinapay kay Madam Dinky, pero ang ipinagtataka lang natin, noon pa man ‘e hindi na natin magustuhan ang kanyang mga fashion statement gaya ng paglalagay ng iba’t ibang kulay sa kanyang buhok na tila isang punkistang laos dahil hindi ito naaayon sa kanyang posisyon bilang DSWD secretary.
Aba ‘e kulang na lang tawagin siyang Reyna ng Rugby Boys dahil sa mga pakulay-kulay niya sa kanyang buhok.
‘E kaya naman pala, reflective naman pala talaga sa kanyang trabaho ang kanyang fashion statement…
Madam Dinky, pinagpapaliwanag ka na ng Commission on Audit (COA) kung nasaan na ang housing project para sa mga biktima ng Sendong at Pablo…
Nasaan na nga ba?!
Paki-explain!