Nakairita sa pandinig ko ang matalas na dila ni Itay. Kinaasaran ko siya pero ‘di ako nagpakita sa kanya ng anupamang negatibong reaksiyon.
Umiwas na akong makatropang muli sina Demonyo at Busangol hindi dahil sa pangaral ni Itay, kundi dahil sa ayoko na ulit maghimas ng rehas na bakal. Noon ako bumalik sa parehas na kayod. Suwerteng naempleyo akong waiter sa isang Chinese restaurant sa Ongpin. Doon ko nakasama ang magandang waitress na si Nancy. At sa mga unang lingo pa lamang ng aming araw-araw na pagkikita ay nagkagusto na agad ako sa kanya.
Nagkapalagayang-loob at naging malapit kami sa isa’t isa ni Nancy. Inihahatid ko siya sa pag-uwi gabi-gabi pagkatapos naming mag-duty sa restaurant na aming pinapasukan. Mula Ongping ay nilalakad lang naming dalawa ang inuuwian niyang bahay sa tabi ng Ilog-Pasig, sa isang bahagi ng Escolta. Kapiling niya roon ang kanyang pamilya sa tila-kahon na tirahan na pinagtagpi-tagping flywood ang dingding at kalawanging yerong liso ang bubungan.
Iba’t ibang bagay ang napagkukuwentuhan namin ni Nancy sa daan. Nabanggit niya sa akin na Bulakenyo at Bulakenya ang kanyang mga magulang, nakatuntong ng second year college sa isang pamantasan ng lalawigan Bulacan kung saan siya ipinanganak, at ipinagtapat din sa akin ang tunay na dahilan kung bakit siya nahinto sa pag-aaral noong nakaraang taon.
“Napatay ang tatay ko ng isang abusadong sundalo na lango sa alak…” ang umpisa ng malungkot na pagkukuwento sa akin ni Nancy. “Na-trauma ang nanay ko kaya ibinenta niya ang bahay at lupa namin sa probinsiya nang makapanirahan kami rito sa Maynila.”
Idinetalye niya sa akin ang mga pangyayari sa maagang pagpanaw ng kanyang magbubukid na ama: “Hindi agad nakilala ng tatay ko na sundalo pala ang humihila sa lubid ng alaga naming kambing na isinuga niya sa damuhan. Hinabol niya ito ng taga…
(Itutuloy)
ni Rey Atalia