Nakita ko na sumiglang muli ang mga kilos-protesta sa lansangan ng mga manggagawa, magsasaka, estudyante, kababaihan at ng iba pang demokratikong sektor. Pati mga kabalahibo nina Itay at Inay ay nakiisa sa pagkondena sa anila’y brutalidad ng mag-among lider-diktador at US.
Aktibong nakilahok si Nanay Donata sa mga aktibidad ng militanteng grupo ng mga kababaihan na kanyang kinasasapian. Pag-alis ng bahay sa umaga ay sa gabi na siya nakababalik. Pagkagising ko naman ay may nakahanda nang kape at dalawang pirasong pandesal sa aming mesang kainan. Naroon din ang maikli niyang nota para sa akin: “Anak, irasyon mo sa mga suki ko ang mga basahan sa sako. Sa iyong pag-uwi ay bumili ka na ng bigas at sardinas sa madara-anan mong tindahan.”
Humaba ang oras ko sa kalye. Kaysa maburyong sa maghapong pagtunganga ay namburaot ako sa mga inuman sa mga kanto-kanto. Doon ko nakabunong-braso sa tagayang baso at naging kakosa sina Boy Demonyo at Totoy Busangol. Iba ang diskarte nilang dalawa kaya may mga pagkakataong paldo ang laman ng kanilang bulsa.
Naimpluwensiyahan nina Demonyo at Busangol ang aking pagkatao. Hindi na ako nagpatumpik-tumpik na sumama sa kanilang lakad noong isang gabi. Nangholdap kami ng isang taxi. Sa panunutok ng kut-silyo ay natangay naming tatlo ang mahigit dalawang libong pisong kinita ng driver nito sa pamamasada. Pero natiyempohan kami sa pagtakas ng nagpapatrolyang mobile car ng pulisya. Swak kaming magkakasama sa piitan sa kasong robbery-holdap
Kulang-kulang isang buwan din kaming nakalaboso nina Demonyo at Busangol sa isang istasyon ng pulisya sa Kyusi.
Pero natuloy pala ang pag-a-abroad ng taxi driver na aming nabiktima kaya hindi ito nakadalo sa mga pagdinig ng kasong kinakaharap namin. Kagyat na-dismiss sa korte ang aming kaso.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia